HUMINGI ng tulong si Masinloc Mayor Arsenia “Senyang” Lim at ang mga mangingisda sa Zambales para makakuha ng malalaking bangka na maaaring pumalaot sa ibang lugar bukod sa Bajo de Masinloc kung saan ginigipit sila ng Chinese Coast Guard at militia.
Ayon kay Mayor Lim, naging mapanganib para sa mga mangingisda ang pumunta sa Bajo de Masinloc o ang Scarborough Shoal mula nang nagbanta ang China na huhulihin nila ang mga Pinoy at ibang lahi na pumasok sa inaangkin nila karagatan.
“Papaano natin sila tutubusin…baka sa China pa,” pahayag ni Lim sa isang pampublikong pagdinig ng Kamara de Representantes na ginanap sa munisipyo ng Masinloc sa Lalawigan ng Zambales noong Biyernes.
Ayon kay Lim, malaking bangka ang maaaring solusyon sa kasalukuyang suliranin ng mga mangingisda ng Masinloc na dumaraing na sa kawalan ng hanapbuhay.
Ayon sa mga kongresista na dumalo sa pagdinig bubuo sila ng “inter-agency panel” na tutugon sa mga hinaing ng mga mangingisda.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., ang joint hearing ng House committees on national defense and security at ng special committee on the West Philippine Sea ay naging emosyonal.
“Malapit na naman ‘yung budget season. Narinig natin iyong ating mga fisherfolks. So, rest assured that we will form an inter-agency (panel) para magkaroon ng kasagutan itong kahilingan at kanilang mga nararamdaman,” ani Gonzales.
Para kay Iloilo Rep. Raul “Boboy” Tupas, vice-chairperson ng Committee on National Defense and Security, ang problema ng mangingisda ay nangangailangang ng sama-samang pagtulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa mga mangingisda, binigyan sila ng bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) pero “pang ilog lamang ito.”
“Complex po ang isyu na ito, complex po ang problemang ito. Kaya kailangan po natin ng tulong ng maraming ahensiya ng gobyerno. Ang puwede po nating approach na makuha rito, interagency or even multi-sectoral approach,” ani Tupas.
Para kay Rep. Robert “Ace” Barbers ng Surigao del Norte at Rep. Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, ang suliranin ng mga mangingisdang Pinoy ay nag-umpisa sa tinaguriang ‘gentlemen’s agreement’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Presidente ng China na si Xi Jingping. (GERRY BALDO)