Saturday , January 10 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

Katotohanan sa likod ng kuwento ni Guo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

INAAKALA marahil ni Mayor Alice Guo na nagbibigay siya ng mga walang kuwentang sagot sa mga senador upang pagmukhaing katawa-tawa ang imbestigasyon isinagsagawa, pero ang totoo, ang mga paiwas niyang sagot ay nagbunsod upang mabunyag ang mas marami pang impormasyon tungkol sa tunay niyang pagkatao at sa mga hinihinalang ilegal na aktibidad na pinipilit niyang itago.

         Ang mga sagot at reaksiyon niya sa mga simpleng katanungan — tungkol sa kanyang nakaraan, sa kanyang edukasyon, sa kanyang pamilya, at sa kanyang pagkabata — ay hindi tumutugma sa inosente niyang hitsura, nagpapaigting sa mga suspetsa na mistulang mas kapani-paniwala pa kaysa malalabo niyang mga sagot. Tama si Senator Risa Hontiveros sa obserbasyon niyang mistulang bigla na lamang sumulpot “out of nowhere” si Mayor Guo, lalong nagbibigay-diin sa nakababahalang posibilidad na siya ay isang Chinese “asset” at banta sa ating pambansang seguridad.

Hindi rin tugma ang kanyang marangyang pamumuhay sa maliit na kinikita ng kanyang babuyan at ng iba pang mga negosyo ng kanyang pamilya. Umusbong din ang mga espekulasyon na posibleng bahagi si Guo ng isang money-laundering organization na may komplikadong operasyon at nagbubukas ng mga business fronts.

Balikan natin ang pagdinig at kung paano naa-afford ni Mayor Guo ang kanyang bonggang lifestyle, na kinabibilangan ng mahigit isang dosenang sasakyan, designer clothes, at maging isang helicopter. Maliwanag naman na ang kanyang yaman ay nagmumula sa sources na higit pa sa idineklara niyang mga negosyo, lalo na kung pakaiisiping nagkandalugi ang kanyang babuyan noong may pandemya.

Ibinunyag ni Sen. Hontiveros, ang mga kapwa incorporators ng alkalde sa Baofu Land Development ay kinabibilangan ng mga indibiduwal na konektado sa mga large-scale money-laundering operations: ang Chinese national na si Zhang Ruijin ay sentensiyado sa pinakamalaking money-laundering scam case sa Singapore na kinasasangkutan ng US$2.2 bilyon, at si Lin Baoying, taga-Dominican Republic na nahaharap sa parehong kaso.

Sila rin ang mga taong sangkot sa mismong property sa Bamban, Tarlac, kung saan nag-operate ang isang POGO-scam firm. Sa kabila ng paggigiit ni Mayor Guo na wala na siyang kaugnayan sa mga nabanggit na negosyo simula nang sumabak siya sa politika, ang dati niyang koneksiyon sa mga taong sangkot sa $2.2-billion money scam sa Singapore ay nakaaapekto sa kanyang integridad. Ang mga ilegal na aktibidad bang ito ang nagtulak sa kanya upang kumandidatong alkalde sa isang bayan kung saan talamak ang ganitong illegal activities?

Nabuking ang pinagmulan ng kanyang pamilya sa YouTube channel na China Insider ni David Zhang noong nakaraang linggo, tinunton ang umano’y koneksiyon ng kanyang ama sa Chinese Communist Party. Ayon kay Zhang, may kaugnayan ang ama ni Mayor Guo sa mga indibiduwal na tulad nina Zhu Feng, director ng Coordination Department na nauugnay sa spy agency ng China; at Chen Congcong ng Maritime Association. Ang mga organisasyong ito, kabilang ang Philippine Chaotai Association, ay bahagi ng United Front, na nagsisilbi para sa kapakanan ng CCP sa maraming bansa.

Idagdag pa natin ang pagbubunyag ni Rep. Robert Ace Barbers na ang mga Chinese sa Filipinas ay nagsipagbili ng mga lupain malapit sa mga strategic military installations sa Cagayan at mapapaisip ka kung ganito rin ba ang modus ng pamilya Guo at ang mga taong konektado sa kanila.

Ang kaso ni Mayor Guo ay nagsisilbing aral at halimbawa, nagpapaalala sa atin sa mga panganib na naidudulot ng hindi nabubunyag na impluwensiya ng mga dayuhan at ng kahalagahang mabantayan natin ang soberanya at integridad ng sarili nating bansa. Gaano man maging paiwas ang kanyang mga kasagutan sa mga pagdinig na ito, kailangan pa rin mabulgar ang katotohanan sa likod ng kuwento ni Guo.

                                           *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Bakit hindi dapat agad paniwalaan si Bernardo

AKSYON AGADni Almar Danguilan BAGONG TAON ng 2026 na pero nananatiling walang napaparusahan na “big …

Firing Line Robert Roque

Prangka kaysa pakitang-tao

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. KUNG napanood mo ang recent episode ng “Storycon” sa …

Sipat Mat Vicencio

Kapag bumaliktad si Martin Romualdez, lagot si Bongbong

SIPATni Mat Vicencio NAGKAKAMALI si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung inaakalang ligtas na ang …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Rep. Romualdez, dapat kasuhan sa flood control corruption — DPWH Sec. Dizon

AKSYON AGADni Almar Danguilan NANINDIGAN si  Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Opisyal ng BOC at mga tauhan nito pinaiimbestigahan sa isyu ng smuggling

AKSYON AGADni Almar Danguilan PINAIIMBESTIGAHAN sa Malakanyang ang umano’y smuggling activities at korupsiyon sa Bureau …