SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“TOTALLY unexpected,” ito ang unang nasabi sa amin ni Alfred Vargas nang tanungin ito ukol sa natanggap na pagkilala bilang Best Actor para sa pelikulang Pieta sa 72nd FAMAS (Filipino Movie Arts and Sciences) awards noong Linggo ng gabi sa Manila Hotel.
Sobra-sobra nga ang kasiyahan ni Alfred sa award na natanggap dahil ito ang kauna-unahan niyang FAMAS trophy kaya walang pagsidlan ang kanyang kasiyahan.
“Hindi ko talaga ine-expect honestly. Noong nakita ko na naroon lahat ang mga best actor nominees, sabi ko, ‘just to be part of this lists exclusively,’ okay na ako,” masayang sabi ni konsi Alfred.
Sinabi pa ni Alfred na dagdag kasiyahan pa sa naganap na awards night na sina Vilma Santos at Christopher de Leon ang tumawag sa pangalan niya.
“Sobrang saya ko. Roon sa speech ko, ‘yung acceptance speech ko, isinama ko rin siyempre (sa pinasalamatan) si God, ‘yung family ko, FAMAS, pero talagang nagpapasalamat ako, kay direk Adolf (Alix, direktor ng ‘Pieta’), kasi, siya naman ang nag-assemble ng cast na ito, eh, at saka ng movie na ito.
“Ang ganda talaga, eh, ‘yung mapagsama mo sina Nora Aunor, Gina Alajar, at saka Jaclyn Jose. Tapos ako, maka-eksena ko sila, feeling ko ‘yun talaga ang nakatulong sa ‘kin,” dagdag pa ng aktor.
Sa kabilang banda, na-proud din si Alfred na naka-tie niya si Piolo Pascual sa pagka-Best Actor.
“I’m very, very happy and proud to share it with Piolo. Kasi naalala ko, noong Star Circle days ko, idol ko na si Piolo noon. Siya talaga ‘yung titiningala roon. So to share the stage with him and this award with him, napaka-suwerte ko,” dagdag pa ng aktor/politiko.
Natawa naman kami nang aminin ni Alfred na sa sobrang kasiyahan sa pagwawagi, halos hindi siya nakatulog at itinabi o ginawa niyang unan ang trophy.
“Ito (trophy) ‘yung ginawa kong unan, eh. Actually, wala pa akong tulog ngayon,” natatawang tsika pa ni Alfred na sinabing mas lalong na-inspired gumawa at mag-produce pa ng pelikula dahil sa pagkilalang natanggap.
“Mahal na mahal ko talaga ang pelikulang Pilipino. Hangga’t kaya ko, gagawa’t gagawa tayo at saka we will continue acting until the last day of our lives,” sabi pa ng aktor.
At nang tanungin namin kung papipiliin siya sa pagiging politiko at aktor, mas pipiliin niya ang pagseserbisyo. At kung sakaling magreretiro naman siya sa pagiging politiko kaya niyang mag-focus sa pag-arte.