SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SIKSIKAN at ‘di makamayaw ang mga dumalo sa trade launch ng A-Team (Alcasid Total Entertainment & Artist Management) ni Ogie Alcasid noong Huwebes sa CWC Interiors sa BGC, Taguig.
Star-studded ang event na nagsilbing host sina Randy Santiago at Amy Perez. Dumalo sa pagtitipon sina Martin Nievera, Lara Maigue, Jed Madela, Streetboys sa pangunguna nina Vhong Navarro at Jhong Hilario, Ryan Bang, Ara Mina at asawang si Dave Almarinez at iba pa. Nakita rin namin ang ilang executives ng ABS-CBN tulad nina Martin Lopez at Cory Vidanes.
Abala rin noong gabing iyon ang asawa ni Ogie na si Regine Velasquez na naghandog ng medley songs.
Sa trade launch, inanunsiyo ni Ogie ang 21 shows na ipo-produce ng kanyang A-Team kabilang na ang kolaborasyon o ang malaking concert ni Martin Nievera sa September 27, 2024 sa Araneta Coliseum gayundin ang reunion concert ng Streetboys sa November 8 sa New Frontier Theater sa Cubao, QC, at ang concert nina Lara at Gian sa Gateway.
Sa pakikipag-usap ng entertainment press kay Ogie nasabi nitong hindi agad naniwala si Martin nang sabihin niya ang planong big concert para rito gayundin si Vhong para naman sa Streeboys reunion concert.
Singit ni Martin, “Ogie’s giving me a car, it’s what I’m told. It’s a car, it’s a bonus for this concert. No wheels, but a car.”
Sinabi naman ni Ogie na nagsimula ang ideang concert ng Streetboys nang marinig niya sa dressing room ang pag-uusap ina Vhong at Jhong.
“Nasa dressing room kami, naririnig ko sina Vhong, Jhong, they wanted to have a reunion and I said, ‘o, di i-produce ko na,’” ani Ogie.
Bukod kina Vhong at Jhong, uuwi sina Spencer, Joseph, Sherwin, at Michael para muling sumayaw kasama ang iba pa sa kanilang grupo.
Bukod kina Martin at Streetboys, ipo-produce rin ni Ogie na magaganap naman sa 2025 ang String Fever ni Noel Cabangon kasama ang mga kaibigan nito, ang Power X3 nina Jed, Bituin Escalante, at Poppert Bernadas, at ang concert series ni Ogie.