KAPWA bagsak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos mabisto ang dalang baril makaraang masita ng mga pulis dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagsasagawa ng police visibility patrol ang mga tauhan ng Sub-Station 13 sa Phase 8B, Bagong Silang, Brgy. 176, naispatan nila ang isang lalaki na naninigarilyo sa pampublikong lugar dakong 10:00 pm.
Nang hingan ng kanyang identification card para maisyuhan ng Ordinance Violation Receipt ay tumakbo ang suspek kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang matalisod kaya nagawa siyang makorner at dito, napansin nila ang puluhan ng baril na nakausli sa kanyang kanang baywang.
Nang walang maipakita ang suspek na dokumento hinggil sa legalidad ng nakuha sa kanya na isang kalibre .38 revolver, kargado ng dalawang bala ay binitbit siya ng mga pulis.
Nauna rito, dakong 12:30 am nang madakip din ng mga tauhan ng SS13 ang isa pang lalaki makaraang mabuking ang dalang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at wala rin dokumento hinggil sa legalidad nito matapos masita dahil sa paglabag sa City Ordinance (Smoking in Public Places) sa Phase 8A, Brgy. 176, Bagong Silang.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. 151 of RPC at RA 10591. (ROMMEL SALES)