FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
WALA sa kultura ng mga Filipino ang paglalagak sa matatandang magulang sa isang institusyon, dahil isinisimbolo nito ang isang lugar ng kawalang pag-asa at pang-aabandona, kung hindi man unti-unting panghihina at pagkamatay.
Dahil sa cultural backdrop na ito, nakare-relate ang marami sa isang panukala sa Kamara para magkaroon ng senior citizen daycare centers sa bawat barangay. Hangad ng House Bill No. 10362, o ang Senior Citizens Day Care Center Act of 2024, ni Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, na magkaroon ng mga lugar sa komunidad kung saan matutugunan nang sapat ang mga pangangailangan ng matatanda.
Ang mga day care centers na ito sa mga komunidad ay nagbibigay ng mabuting solusyon, naglalaan ng mapupuntahan para sa matatandaang nangangailangan ng recreational, educational, health, at socio-cultural programs habang nakatira pa rin bahay ng kanilang pamilya. Dahil dito, hindi na makakaramdam ng ‘guilt’ ang mga kamag-anak nilang nagsisipagtrabaho o ang kabataang kapamilya na laging nasa eskuwela o kasama ang barkada.
Ang mga centers na ito ay hindi lamang basta mga pasilidad kundi kapaki-pakinabang na mga tuluyan na nagsisigurong ang mga programa at serbisyong para sa matatanda ay accessible sa mga seniors, sa kani-kanilang pamilya, at sa mga nag-aaruga sa kanila. Direktang pinangangasiwaan ng barangay, matutuluyan ito ng matatanda nang hindi lalagpas sa 24 oras, nang hindi na lalayo sa sariling pamamahay ng kanilang pamilya.
Umaasa akong darating ang panahon na mae-enjoy ito ng ating mga minamahal na lolo at lola.
Kamatayan para sa magtatambak ng basura?
Linawin natin sa mabubuting mamamayan ng Abra: ipinagbabawal sa ating Saligang Batas ang parusang kamatayan, kaya ang anumang pagtatangkang ipatupad ito, partikular na para sa isang napakasimpleng paglabag na tulad ng ilegal na pagtatapon ng basura, ay hindi lamang ilegal kundi kahila-hilakbot.
Ang ordinansa ng isang barangay sa Bangued na nagmumungkahing barilin ang mga pangatlong beses nang ilegal na nagtapon ng basura ay isang nakasisindak na paglabag sa karapatang pantao at teribleng pang-iinsulto sa karapatang mabuhay.
Minamaliit ng ordinansang ito, na inakda ni Barangay Calaba Chairman Renato Brasuela at ng ilang kagawad, ang kasagradohan ng buhay at naglalantad sa grabeng pambabalewala sa umiiral na batas.
Bagamat totoong mahalaga ang tamang pagtatapon ng basura, ang pagbabanta ng pagpatay sa mga susuway dito ay masyadong brutal at hindi makatutulong. Ang mga draconian measures na tulad nito ay nagbubunsod ng takot at kaguluhan, hindi ng pagiging responsableng mamamayan.
Kahit pa hindi kailanman naipatupad ang ordinansang ito, ang kakila-kilabot at marahas na ideya sa likod nito ay maaaring manatili sa isipan ng taongbayan. Hindi na nakagugulat kung isang araw — huwag naman sanang ipahintulot ng Diyos — isang may-ari ng property ang basta na lang barilin ang kalugar niyang nagtapon ng basura sa kanyang lote, iniisip na makatwiran lang na gawin ang ganoon kabrutal na bagay. Ang pagsuspinde ni Mayor Mila Valera kay Brasuela at sa mga kasabwat nito ay nagbibigay-diin sa kalupitan ng kanilang asal.
Tama lang na kinondena ng Commission on Human Rights ang ordinansang ito. Huwag nating payagan na balewalain ng mga ganitong marahas na polisiya ang dignidad ng tao at lalo pang palalain ang kawalang hustisya sa ating bansa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).