SIPAT
ni Mat Vicencio
NAGKAKAMALI si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung inaakalang manananalo pa siya sa darating na halalan dahil siguradong gagamitin ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang malawak na makinarya at impluwensiya, para mapigilang makalusot si Bato sa Senado.
Sobrang garapal ang ginawa ni Bato na isalang sa Senate investigation ang tinatawag na ‘PDEA leaks’ kahit silip na silip na tanging layunin nito ay guluhin ang gobyerno at gibain si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Tinutumbok ng nasabing ‘PDEA leaks’ o isang dokumento ang umano’y paggamit ng ipinagbabawal na gamot ni Bongbong na naunang ipinakalat sa social media.
Sentro ng kontrobersiya ng ‘PDEA leaks’ ang witness ni Bato na si ex-cop Jonathan Morales na sinasabing walang kredibilidad dahil sa kuwestiyonableng pagkatao kabilang na ang kinakaharap nitong patong-patong na kaso.
Kung tutuusin, matigas lang talaga ang bungo nitong si Bato, at pilit na iniharap ang kanyang witness sa Senado sa kabila ng pahayag ng mga senador na hindi kapani-paniwala si Morales.
Bukod kay Sen. Grace Poe na nagbabala kay Bato na hindi kailangang pagkatiwalaan ang nasabing witness, tinawag din ni Sen. Jinggoy Estrada si Morales na isang sinungaling.
Higit na matindi ang pasaring ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Bato… “I caution our colleagues to be very careful not to use hearing in aid of political persecution.”
Dagdag ni Zubiri… “Kailangan ng ebidensiya, hindi puwedeng sabi-sabi lang. At ipinapaalala natin ang halaga ng mapagkakatiwalaang mga resources. Walang tsismis, walang politika – katotohanan lang.
Hay naku, hindi natin alam kung nagtatanga-tangahan itong si Bato o talagang mahina lang ang ulo? Obvious kasing pinatitigil na siya ng kanyang mga kasamahan sa Senado dahil sa walang mga batayan at pantasyang pinagsasabi ng kanyang witness na si Morales.
Pati nga ang dalawa niyang kasamahan sa PDP-Laban na sina Sen. Francis “Tol” Tolentino at Sen. Bong Go ay iwas-pusoy na rin, at kung mapapansin hindi masyadong sumasawsaw sa ‘PDEA leaks’ investigation.
Hindi na naisip ni Bato na sa kanyang ginagawang ‘ops’ laban kay Bongbong ay babalikan siya ng administrasyon at titiyaking hindi na muling maging senador sa susunod na Kongreso.
Kaya nga, kung marami ang naniniwalang ‘na-Digong’ si Gordon kaya natalo noong 2022 eleksiyon, malamang na ‘ma-Bonget’ naman si Bato sa darating na eleksiyong 2025.