MA at PA
ni Rommel Placente
KUNG si Jiro Manio ay ibinenta kay Boss Toyo ang Urian Best Actor trophy para sa pelikula niya noong bata pa siya na Magnifico, ang dati ring child star na si Nino Muhlach ay ibinenta ang kanyang FAMAS Best Child Actor trophy. O ‘di ba, nagawang ibenta ng dalawang dating child actors ang kanila-kanilang acting trophies.
Pero ayon kay Boss Toyo, siya mismo ang kumontak kay Nino at nagtanong kung puwede ba niyang mabili ang isa sa mga trophy nito.
Kung mayroon kasi siyang gustong makuha at mai-display sa kanyang museum na FAMAS best child actor award ay nais niyang mula kay Nino.
“Ang hirap presyuhan ng isang Niño Muhlach… priceless eh,” aniya.
Ang unang offer ni Boss Toyo ay P100,000 kay Nino para sa trophy na natanggap nito noong 1977. Pero isa sa mga kasamang anak ni Nino ang humiling ng P500,000 at pumayag naman ang may-ari ng Pinoy Pawnstar.
Ani Nino, nag-decide siyang ipaubaya kay Boss Toyo ang isa sa mga FAMAS trophy niya sa kondisyong i-restore at alagaan iyon.
“Kailangan alagaan niya at i-restore, at ilagay sa museum niya dahil hindi ko na naalagaan… ‘Yun ang deal namin,” wika ng aktor.