HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG naisahan sina Dingdong Dantes at Marian Rivera kahit na sinasabing ang pelikula nilang Rewind ang highest grosser noong 2023, na-dingdong sila nang ang ideklarang Box Office Queen ay si Kathryn Bernardo para sa A Very Good Girl at Box Office King naman si Alden Richards para sa Five Breakups and a Romance. Kapwa nailabas iyan na kumita naman pero hindi naging smash hits. In fact, kabilang iyan sa mga pelikulang sinasabing apektado pa ng slump.
Pero ang katuwiran naman ng iba gumawa sila ng box office breaker, iyong Hello Love Goodbye, pero hindi sila nabigyan ng title dahil nag-pandemic na nga. Pero sa palagay namin kung iyon ang basis, dapat sinabing sila ang Box Office King and Queen noong panahong iyon, at hindi ngayon. Pero dahil nagkalituhan na nga at mas kilala ang title na box office king and queen, parang na-dingdong na sina Marian at Dingdong dahil ang lumalabas ay ang king and queen at hindi naman iyong ibinigay sa kanilang Phenomenal Box Office Stars of Philippine Cinema. Parang binigyan lang sila ng ibang title para ang manalo ay sina Kathryn at Alden, na mas maraming fans, mas maraming endorsements na makasisiguro na may commercials na papasok sa telecast ng kanilang awards, at magkakaroon ng pondo para sa scholarship na kanilang ibinibigay.
Inilalaban din ng fans ni Marian noong Metro Manila Film Festival (MMFF) na siya ang dapat na maging best actress, eh tinalo nga siya ni VIlma Santos, na nanalo rin sa Manila International Film Festival (MIFF),
At ngayon na-dingdong na naman siya dahil si Ate Vi pa rin ang kinilalang best actress ng foundation. Bakit nga naman hindi dumaan na iyon sa dalawang set ng mga juror at si Ate Vi ang kanilang choice, sasabihin pa bang mas magagaling sila kaysa mga kritikong nasa MMFF at MIFF?
Hindi bale may FAMAS pa naman at URIAN na hindi na kasali si Ate Vi dahil Hall of Famer na siya, roon na lang sila maglaban-laban. Eh si Ate Vi naman hindi na inambisyon ang mga award na iyan eh, dahil ang gusto niya mapabalik ang mga tao sa mga sinehan at nagawa na naman niya iyon kaya kuntento na siya, iyang award bonus na lang iyan.