MAGPAPATUPAD ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng bagong iskedyul ng oras sa trabaho simula 2 Mayo 2024.
Ito’y matapos lagdaan ni Mayor John Rey Tiangco ang Executive Order (EO) No. JRT-016, na nagsasaad ng pagbabago ng oras ng trabaho sa pamahalaang lungsod mula 8:00 am – 5:00 pm hanggang 7:00 am -4:00 pm alinsunod sa Metropolitan Manila Council (MMC) Resolution No. 24-08, s. 2024.
“Apart from helping ease traffic congestion in Metro Manila, this change in work schedule will also give workers more time to spend with their families or pursue other meaningful endeavors,” ani Tiangco.
Ang mga departamento, opisina, at mga yunit na may shifting schedules tulad ng traffic management, emergency preparedness and response, at peace and order ay hindi sakop ng EO, upang matiyak ang patuloy na paghahatid ng serbisyo publiko.
Pananatilihin din ng mga coach ng NavotaAs Scholarship Program ang kanilang iskedyul, gayondin ang mga klase sa Navotas Polytechnic College at Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.
Sa lahat ng pampublikong pasilidad sa kalusugan sa lungsod, tanging ang health center sa Brgy. Tanza 2 at ang Navotas City Hospital ang magpapatakbo sa kanilang karaniwang iskedyul ng trabaho.
Mahigpit na hinikayat ni Tiangco ang mga barangay sa lungsod na maglabas ng mga katulad na executive order na nagpapatupad o nagbabago ng kani-kanilang oras ng trabaho alinsunod sa Resolusyon ng MMC. (ROMMEL SALES)