SA KULUNGAN na magtitiis ng matinding init ng panahon ang isang lolo at ang kanyang apo nang makuhaan ng mahigit P200,000 halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buybust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek na sina alyas Emey, 62 anyos, residente sa Morong, Rizal at alyas Saya, 20 anyos, ng Malabon City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta, nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buybust operation sa Tangke Road, Brgy. 157 na isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa mga suspek ng P6,500 halaga ng droga.
Nang tanggapin ng mga suspek ang isang P500 bill marked money na may kasamang anim na P6,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba dakong 10:08 pm.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 31 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P210,800, buybust money at itim na coin purse.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerus Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)