FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
HINDI ko alam kung alin-alin sa mga nagiging desisyon niya sa buhay ang isinasaalang-alang sa pananampalataya, pero sa ngayon, dapat na marahil ikonsidera ng puganteng pastor na si Apollo Quiboloy ang mapayapang pagsuko ng kanyang sarili.
Paliit nang paliit na ang kanyang mundo, ngayong kabi-kabila ang mga warrant na inisyu sa kanya ng iba’t ibang korte at ng Kongreso, ang mga kasong isinampa laban sa kanya ay pinaglilipat na sa Metro Manila malayo sa kanyang baluwarte, at nitong weekend, ipinawalang-bisa na ng Philippine National Police (PNP) ang lisensiya at rehistro ng kanyang mga baril.
Bawat isa sa kanyang mga pinagkakatiwalaan at pinakamalalapit na tauhan ay naaresto at nagsipagpiyansa na — pawang markado na ngayon at posibleng masusing tinutugaygayan ng mga awtoridad. Hindi ba panahon na, Pastor Quiboloy, na isuko mo ang iyong sarili at mga armas at harapin ang batas?
Ipinaaalala lang ng kanyang pagmamatigas ang mga problema niyang legal. Sa mga naunang insidente na ganito, maaalala natin na hindi siya maisasalba ng kanyang mga panalangin kapag nabahiran na ng karahasan ang pagtugis sa kanya. Dapat nang makinig si Quiboloy bago pa mahuli ang lahat.
Ilegal na droga at karahasan
Dahil marami sa atin ang galit sa madugong gera kontra droga ni Duterte, ang pagdami ng mga krimeng may kaugnayan sa ilegal na droga sa nakalipas na mga linggo ay naging kahindik-hindik din para sa atin.
Sa nakalipas na dalawang linggo, iniulat ng pulisya ang pagkamatay ng isang 14-anyos na babae na binaril habang nag-aaral sa loob ng kanyang kuwarto sa Talisay, Cebu. May suspetsa ang mga imbestigador na konektado sa operasyon ng ilegal na droga ang insidente nang bigla na lamang sumalakay sa bahay ang mga armadong lalaki at walang awang binaril sa leeg ang dalagita. Nauna rito, binawian ng buhay ang isang 13-anyos na estudyante dahil sa isang tama ng bala sa ulo matapos siyang barilin habang naglalakad papasok sa kanyang eskuwelahan sa Batangas.
Sa Cebu, dinakma si Rey Mark Rabasano, isang target-listed drug personality, at ang kinakasama niyang private school teacher, dahil daw sa pagtutulak ng malaking halaga ng “shabu.” Ang pag-aresto sa kanila ay pasilip lamang sa malalang pagkawasak ng mga buhay na bunsod ng droga.
Ang epektong ito sa bansa ng talamak na bentahan ng ilegal na droga ay dapat na magsilbing wake-up call sa kasalukuyang administrasyon. Dapat itong tibagin at silaban, tulad ng isang nakalalasong puno — siyempre pa, hindi sa paraang ginawa ng hinalinhan niyang presidente, pero sa paraang determinado at epektibo.
Dahil kung hindi, maraming walang kuwentang pagpatay pa, na may kinalaman sa ilegal na droga, ang hindi lamang magpapalala ng krimen sa bansa pero magbibigay-katuwiran din o kaya naman ay magpapabalik sa kapangyarihan sa mga pinunong diktador at may kakatwang pagkahumaling sa karahasan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).