IDINEPENSA ng isang mataas ng opisyal ng Kamara de Representantes ang tangkang pag-iimbestiga ng lehislatura sa naiulat na pagdami ng mga Chinese nationals na naka-enrol sa mga paaralang malapit sa base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Estados Unidos.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Ace Barbers walang kahit anong bahid ng ‘racism’ ang imbestigasyon sa gitna ng pagdagsa ng mga Chinese, partikular sa Cagayan, kung saan nananatili ang tinatwag na Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos.
“Alam mo, iyong mga nagsasabing Sinophobia at saka racism iyon, sila iyong may ganoong tendency. Tayo ay nagtatanong – national security iyong concern. Buti sana kung ‘marites’ lang ito,” ayon kay Barbers.
“Buti sana kung iyong pinag-uusapan dito ay iyong kapitbahay lang natin. But this is a national security issue. And because this is a national security issue, hindi masama na magduda tayo, hindi masama na magtanong tayo at hindi rin masama na imbestigahan natin iyon,” dagdag niya.
Ang pahayag ay ginawa ni Barbers matapos bansagan ng isang kilalang civic leader na si Teresita Ang See na ‘Sinophobia’ at ‘racism’ ang kumalat na balita patungkol sa pagdami ng mga Chinese na nag-enrol sa mga eskuwelahan sa Cagayan.
Ayon kay Barbers, “welcome” ang lahat sa bansa sa legal na paraan.
“Sabi ko nga kanina, welcome ang mga Chinese. Iyong na-raid na bahay sa Taguig at sa Multinational na may mga mataas na kalibre ng baril na nahuli, hindi po ba involved ang Chinese?” tanong ng kongresista.
“So, I would urge the Chinese community, the Filipino-Chinese community na kung maaari po sana, you police your ranks. We’re not anti-China dito,” dagdag niya.
Sangayon si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr., sa sinabi ni Barbers basta legal ang pakay ng mga bisita.
“Maski anong lahi pa man iyan, maski Filipino nga e, basta mali ang ginagawa, ang mali ay mali ganoon kasimple lang iyon. Nagkataon lamang siguro na iyon ang lahi na iniimbestigahan,” ani Abalos.
Ayon kay Abalos, kailangang malaman kung ilan talaga ang mga Chinese na naka-enrol sa Cagayan. (GERRY BALDO)