‘IBINALIBAG’ sa selda ang 22-anyos tambay makaraang pumalag at ‘magpamalas ng kabangisan’ nang ireklamo ng pagdadala ng baril kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ang suspek na si alyas Rey, 22 anyos, residente sa Banal St., Brgy. 141, Bagong Barrio ng nasabing lungsod na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code o ang Disobedience to a Person in authority; at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong 1:30 am nang humingi ng tulong sa Police Sub-Station 5 ang mga barangay tanod dahil hindi nila malapitan ang suspek na nagwawala habang armado ng baril.
Pagdating ng mga pulis, inabutan nilang nakatayo sa bangketa ang suspek ngunit nang lapitan upang isagawa ang beripikasyon, pumalag at nagpamalas ng kabangisan kaya ginamitan siya ng puwersa ng mga parak hanggang tuluyang maposasan.
Nang kapkapan, nakompisa ang nakasukbit na kalibre .357 magnum, may tatlong bala sa chamber sa likurang bahagi ng baywang na kanyang ginagamit sa paninindak ng mga tao sa lugar. (ROMMEL SALES)