SINIMULAN ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng buwanang cash subsidy para sa mga kalipikadong Navoteño solo parents sa ilalim ng Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Nasa 381 benepisaryo ang nakatanggap ng kanilang cash aid mula Enero hanggang Marso na nagkakahalaga ng P3,000. Nag-iiba ang halaga depende sa buwan ng aplikasyon o renewal ng kanilang 2024 solo parent identification card.
Ipinatupad ng Navotas ang pamamahagi ng subsidy sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2023-40, na tinustusan sa pamamagitan ng Gender and Development Fund.
Sa ilalim ng ordinansa, kalipikadong tumanggap ng P1,000 buwanang cash subsidy mula sa pamahalaang lungsod ang mga rehistradong solo parents na kumikita ng minimum wages o mas mababa rito.
“We encourage Navoteño solo parents to register with our city social welfare office to qualify for the program. This year, we have allotted enough funds to provide monthly subsidy to 500 beneficiaries,” pahayag ni Mayor John Rey Tiangco.
“Raising children is never easy and doing it all by yourselves double the challenges and difficulties. We hope this amount can help ease at least a little of your burdens and bring smiles to you and your kids,” dagdag niya.
Upang maging kalipikado para sa programa, ang mga Navoteño solo parent ay dapat magkaroon ng updated na solo parent ID na na-verify ng City Social Welfare and Development Office; dapat kumita ng hindi hihigit sa minimum na sahod; at hindi dapat nakalista bilang benepisaryo ng kahit anong cash assistance program mula sa pambansang pamahalaan o non-government organizations, kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2019-17, ay nagbibigay din sa mga indigent solo parents ng P1,000 educational assistance kada school year.
Ang Expanded Solo Parents Welfare Act ay nagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga rehistradong solo parents kabilang ang P1,000 buwanang subsidy, 10% discount at VAT exemption,
7-araw parental leave na may bayad, priority sa mga scholarship program at grant, automatic PhilHealth coverage, at iba pa. (ROMMEL SALES )