SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAPAKA-PROPESYONAL talaga ni Vilma Santos. May sakit siya noong Lunes na nakatakda ang pagpapalabas ng pelikulang Anak na proyekto ng CCP Cine Icons at UST. Pero dumating pa rin siya para pangunahan ang screening at talkback kasama ang National Artist na si Ricky Lee na ginanap sa auditorium ng Blessed Pier Giorgio Frassati Bldg. sa Maynila.
“Hindi pwedeng hindi ko puntahan kasi gusto kong makita kayong lahat dahil alam ko ‘yong generation n’yo,” paunang pagbati ni Ate Vi na ikinasiya ng mga estudyante.
“If I may share with you my children, para ko kayong mga anak. Sa itinagal ko na sa industriya na para ninyo akong nanay. And since tumagal ako ng more than 60 years in this industry, this is my pay back time. Pay back din ito na gusto kong mabuhay ang mga dugo n’yo para ma-appreciate n’yo ulit ang industry or ang movie industry.
“Kaya itong advocacy ko gusto kong i-share sa inyo na sana mabuhay uli ang mga dugo ninyo na ma- appreciate n’yo ngayon ang mga pelikulang magaganda at pumunta kayo sa mga sinehan kasama ang pamilya n’yo para panoorin ang magagandang pelikula. I-enjoy n’yo, i-imvibe n’yo at the time you will learn and being inspired kasi ito ang generation namin. Kayo ang susunod na generation. ‘Yon ang adbokasiya ko, to inspired our youth,” sabi pa ng Star for All Season.
Sa totoo lang sobrang nasiyahan si Ate Vi sa naging response ng mga estudyanteng nanood ng kanilang pelikula. Kaya naman ang saya-saya niyang nakisalamuha at sumagot sa mga tanong ng mga kabataang estudyante ng Unibersidad ng Sto. Tomas.
Nakatutuwa rin ang response ng mga estudyante kay Ate Vi. Gustong-gusto nila ito na animo’y pamilyar silang lahat sa mga pelikulang nagawa ni Ate Vi kabilang ang digitally remastered na bersiyon ng Anak.
Pagkaraan ng screening nakibahagi si Atw Vi at Ricky sa isang interactive talkback session na naglalayong pagyamanin ang pagpapahalaga sa pelikula sa loob ng komunidad ng UST.
“Maganda talaga itong pelikula,” aniya. “Maganda ang pagkakasulat ni Ricky eh, and the lines, the characters, the story – they are all still very relevant ngayon. Nangyayari pa rin eh,” ani Ate Vi patungkol sa pelikula.
Bukod kay Vilma, kasama rin sa pelikula sina Claudine Barretto, Joel Torre, Amy Austria, Baron Geisler, at mula sa direksiyon ni Rory Quintos.
Ang Anak ay sumasalamin sa mga paghihirap na nararanasan ng isang Overseas Filipino Worker na umuuwi sa isang pamilyang nagkakagulo.
“Naging totoo lang ako, kumukuha ng inspirasyon mula sa totoong buhay at obviously, na-appreciate ng mga film goer, nakare-relate sila at ito ang nagpapatagal sa pelikula,” esplika ni Ricky ukol sa isinulat niyang pelikula.
“I do believe na dahil sa truthfulness na ito, naging timeless ang pelikula, napagsama nito ang tamang sukat ng sining at commercial value.
“Ito basically ang legacy niya eh. ‘Yung innate na significance niya, ang magiging relevant through generations,” aniya pa.