IMBES pagpipinta ng bahay, pumasok sa ‘drug trade’ ang isang house painter pero ‘minalas’ na masakote at makompiskahan ng mahigit sa P100,000 halaga ng shabu sa Caloocan City, iniulat ng pulisya.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na isang alyas Remuel, 48 anyos, house painter, residente sa Phase 8 Block 171 Lot 3 Package 12, Bagong Silang.
Ayon kay Col. Lacuesta, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 9 sa Bagumbong Road, Brgy. 171, isang concerned citizen ang lumapit at inireport sa kanila ang nagaganap na ‘drug trade’ malapit sa lugar.
Kaagad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong 2:00 ng madaling araw.
Nakompiska sa suspek ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng 17 gramo ng hinihinalang shabu, may katumbas na halagang P115,600.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)