Tuesday , December 24 2024

Sinong gustong dumaan sa EDSA Carousel?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

PARA sa mga nagdududa sa ‘kasagradohan’ ng EDSA Carousel para sa mga pampasaherong bus, handa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na patunayang mali kayo.

Itinuturing nitong pinakabagong case study ang sports utility vehicle (SUV) na may plakang “7” — inilaan para sa mga senador — na hinarang nitong Biyernes pero bigla na lang humarurot patakas bago pa man matiketan ng mga traffic enforcers.

Let’s cut to the cheese, este, chase. Lumantad na si Senator Chiz Escudero para amining sa kanya ang tumakas na sasakyan, kahit pa hindi siya ang nakasakay doon nang mga oras na iyon. Naniniwala ako sa kanya.

Masakit at nakadedesmaya, gayonman, sa lahat naman ng walang pakundangan, palpak, at hindi karapat-dapat na mahalal sa gobyerno para ating pagtiwalaan, ang respetadong senador pa ang bigla ngayong naging simbolo ng umiiral na kultura ng kawalang pananagutan na ang mayayaman at makapangyarihan ay umaasang lagi silang may special treatment sa ating mga siksikang lansangan.

Kaugnay ng nangyari, isusuko ng butihing senador sa Land Transportation Office ang plakang gamit ng tumakas na sasakyan bilang pag-ako ng responsibilidad sa nangyari, bukod sa pahaharapin sa MMDA ang driver ng sasakyan para papanagutin sa mga naging paglabag nito.

Ipagbandohan ang impluwensiya

Ang huling insidenteng kinasangkutan ng isang kaanak ni Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos, Jr., ay isa pang textbook example ng pagiging entitled at kawalang-galang sa mga batas trapiko. Isang Jaz Abalos, na nahuling nagmamaneho ng isang illegal public transport vehicle, ang nagbanggit sa pangalan ng DILG Chief upang makaiwas sa pananagutan.

               Isa-isahin natin: expired ang rehistro, peke ang driver’s license, ilegal ang pagbibiyahe ng mga pasahero — at noong nahuli, ang isinagot lang: “Kilala mo ba kung sino ako?” Oo, ang malinaw lang, inaakala ng kamag-anak ng isang Cabinet secretary na ang koneksiyon nilang dalawa ay maglulusot sa kanya sa pananagutan ng kanyang ginawa.

               Ipinakikita dito ang kakapalan ng mukha ng mga walang pagdadalawang-isip na magbanggit ng pangalan ng kanilang mga koneksiyon para malusutan ang batas. Kudos kay Secretary Abalos sa hindi pagkunsinti sa sariling pamangkin. Walang exempted sa batas, at walang pagbanggit ng pangalan o paghiram ng kapangyarihan na mag-iiwas sa sinumang indibiduwal sa pagharap sa kailangan nilang panagutan dahil sa kanilang pagkakasala.

Binabati natin ang MMDA sa matatag na paninindigan laban sa ganitong asal. Magsilbing aral sana ito: irespeto mo ang batas, hindi ang iyong mga koneksiyon.

Tagumpay ng mga Pinoy

Sa gitna ng mga balitang pinagbibidahan ng mga motoristang feeling entitled at wagas kung magbanggit ng kanilang maiimpluwensiyang kakilala, nagsisilbi ngayon ang MMDA bilang tagabantay ng EDSA busway, sinisiguro na tanging mga pampublikong bus lang ang nakadaraan doon — ang lifeline ng napakaraming manggagawa at estudyanteng Filipino.

Sa maraming aspekto, maituturing itong tagumpay para sa mga uring manggagawa. Noong nakalipas na linggo, apat na sasakyang may stickers ng mga logos ng Philippine National Police (PNP) at “Bagong Pilipinas,” dalawa pang may red plates, at isang Toyota Fortuner na may No. 8 protocol plate para sa mga miyembro ng Kamara de Representantes ang hinuli.

Siya nga pala, kapag nakakita kayo ng plakang “8,” awtomatikong ilegal iyon at hindi pinahintulutan, ayon sa Kamara, na binigyang-diin na hindi ito nag-isyu ng nasabing plaka ngayong 19th Congress.

                                                                           *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …