HINDI nakaligtas sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhaan ng mahigit P.6 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buybust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas Bebe, 23 anyos, ng Brgy. 120; at alyas Bong, 53 anyos, residente sa Brgy. 19.
Ayon kay Col. Lacuesta, nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buybust operation sa Don Benito St., Brgy. 21 nang matanggap ang impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.
Matapos tanggapin ang bust money, dakong 8:27 pm, isang P500 bill may kasamang anim na pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ang agad dinamba ng mga operatiba at ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 100.50 gramo ng hinihinalang shabu, may katumbas na halagang P683.400 at buybust money. (ROMMEL SALES)