ARESTADO ang isang miyembro ng ‘Dacallos Criminal’ gang na sinabing sangkot sa ilegal na pagbebenta ng baril matapos matiklo sa entrapment operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section hinggil sa ilegal na pagbebenta ng baril ng suspek na si alyas Kwatog, 23 anyos, ng Brgy. 176, Bagong Silang, kaya isinailalim sa validation.
Nang positibo ang ulat, ikinasa ng IS, kasama ang NDIT, RIUNCR IG at Northern NCR Maritime Police Station ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaesto kay Kwatog, dakong 2:30 am sa Tandang Sora St., Pag-asa, Brgy. 175, Camarin.
Nakuha sa suspek ang isang .38 revolver na kargado ng dalawang bala at buybust money na isang P500 bill, kasama ang dalawang P1,000 boodle money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (ROMMEL SALES)