SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ALIW na aliw kami sa bagong handog na pelikula ng Viva Films, ang Philippine adaptatio ng Korean movie na Sunny na ukol sa pagkakaibigan. Tampok dito sina Vina Morales, Sunshine Dizon, Angelu de Leon, Ana Roces, Tanya Gomez, Katya Santos, at Candy Pangilinan na palabas na ngayon sa mga sinehan at idinirehe ni Jalz Zarate.
Sobra kaming naaliw sa karakter na ginagampanan ni Sunshine na retokadong kaklase nina Vina, Angelu, at Candy. Napangatawanan kasi nito mula umpisa hanggang katapusan ang pagiging retokada. Si Sunshine si Gwen, mayaman sa grupo at insecure kaya panay ang pagpaparetoke.
Nagustuhan din namin ang karakter ni Candy na pambalanse sa kanilang pito. As usual siya ang naghatid ng katatawanan sa grupo. At masasabi naming agaw-eksena siya sa kanilang pito. Dalang-dala ni Candy karakter niya bilang si Dang.
Ang pelikula ay nagpakita ng dalawang timeline. Ang kasalukuyang panahon na sina Vina, Sunshine, Angelu, Ana, Tandya, Katya, at Candy ang gumaganap samantalang ang ikalawang timeline ay ang kanilang young version na ginagampanan nina Heaven Peralejo, Bea Binene, Abby Bautista, Ashley Diaz, Heart Ryan, Ashtine Olviga, at Aubrey Caraan.
Na-enjoy namin ang pelikula na tumatalakay sa pagkakaibigan at iba’t ibang relasyon ng pamilyang Filipino kahit ang ilan sa kanila ay wala namang bago sa mga arteng ipinakita.
Tiyak na marami ang makare-relate sa pelikulang ito lalo na iyong mga magkakaibigan dati sa high school na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkikita-kita makalipas ang ilang dekada.
Pakilig ang tambalang Heaven at Marco Gallo pero nanakit sila sa bandang ending ng movie. Kung bakit, iyon ang alamin ninyo.
Ang Sunny ay remake ng 2011 Korean movie na may parehong title, na naging second highest-grossing Korean film din ng taong iyon.
Ang direktor nito ay siya ring nagdirehe ng isa pang Pinoy version ng Korean movie, ang Spellbound samantalang si Mel Mendoza-del Rosario naman (Miracle in Cell No. 7, More Than Blue) ang screenplay.
Ang Sunny ay iikol sa sa high school friends na muling nagsama-sama para tuparin ang huling habilin ng kanilang yumaong kaibigan.
Si Vina si Annie isang maalagang maybahay at ina. Habang binibisita ang kanyang nanay sa ospital, bigla niyang makikita si Chona (Angelu), ang kaibigan niya noong high school. Malalaman niyang si Chona ay may terminal cancer at may ilang buwan na lamang na natitira para mabuhay.
Ire-request ni Chona na hanapin ang mga kaibigan dahil gusto niyang makita at mabuo muli ang grupo nilang Sunny bago siya mawala sa mundo.
Sa flashback naman na 25 years na ang nakararaan, makikita si Annie (Heaven) na isang high school transferee. Tinutukso siya sa pagiging probinsyana hanggang sa makikilala niya ang palabang si Chona (Bea). Kakaibiganin siya ni Chona at ipakikilala sa mga miyembro ng kanyang grupo: sina Dang (Abby); Janet (Ashley); Becky (Heart); Gwen (Ashtine); at si Sue (Aubrey) na malamig ang pakikitungo kay Annie.
Sama-sama sila sa mga pagsubok at tagumpay ng high school – mula sa mga kaaway hanggang sa kanilang crushes, sa mga sayawan at mga kalokohan.
Unang nagkita sina Annie at Dang (Candy Pangilinan), na isang life insurance agent pagkaraan ay sina Janet (Tanya, mahirap at nakikitira lamang) at Becky (Katya, nagtatrabaho sa isang mumurahing club). Pinakahuling nakita si Sue (Ana).
Showing na ang Sunny sa mga sinehan nationwide mula sa Viva Films. Kung gusto ninyong maaliw at maalala ang mga mga nabuong pagkakaibigan noong high school, ang pelikulang ito’y tamang-tama sa inyo. Kaya watch na!