MA at PA
ni Rommel Placente
SA interview ni Rochelle Pangilinan sa Toni Talks ni Toni Gonzaga, inamin niyang nasaktan sila sa biglaang pagkawala ng kanilang grupo noon na SexBomb sa noontime program na Eat Bulaga.
Ayon pa kay Rochelle, hanggang ngayon ay wala pa ring closure kung bakit sila tinanggal noon sa show.
“Wala kaming closure. Bigla na lang kaming nawala, ang SexBomb. Pero sa ‘Eat Bulaga,’ may nangyari sa ’min na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga boss namin at si Ate Joy [Cancio].
“Nagte-taping kami ng ‘Daisy Siete’ tapos ibinabalita ang usapan. Tapos nagkababaan daw ng telepono,” pagbabahagi ni Rochelle.
Noong mga panahon na ‘yun daw ay pinag-uusapan nila kung pupunta ba sila sa Eat Bulaga o hindi dahil noong nangyari ang hindi pagkakaunawaan ng kanilang manager at isa sa mga boss ng noontime show ay may guesting sila sa morning show na Sis.
“Mayroon kaming guesting pa bago mag-’Eat Bulaga,’ so nag-guest kami sa ‘Sis.’ Nag-usap kami na kung sino gusto mag-attend, and majority wins. Eh lahat kami nagtaas ng kamay. Pumunta kami, tapos sinabihan ko sila magsara ng telepono kasi sure na magtatawag si Ate Joy.
“Tapos mayroon isang SexBomb member na nag-abot ng telepono, tapos nakausap ko si Ate Joy. Sabi ko, ‘Bakit?’ Umiiyak siya. So umalis kami ng Broadway. Pumunta kami sa kanya,” kuwento pa ni Rochelle.
Naging bukas din ang actress-dancer sa kanyang naramdaman noon nang biglang nagpa-audition at ipinakilala ang EB Babes sa publiko.
Chika ni Rochelle, nakaramdam sila ng insecurity dahil magaganda at mas bata sa kanila ang mga napili.
“Noong hindi na kami pumasok sa ‘Eat Bulaga,’ nagpa-audition sila ng dancers. Nagpa-contest sila, tapos siyempre, magaganda at bata. Masakit ‘yun sa amin.
“Parang pinalitan niyo kami, ganoon ang feeling namin noon kasi lahat ng SexBomb, competitive,” sabi pa ni Rochelle.
Sa ngayon ay may kanya-kanya na ring karera ang mga miyembro ng Sexbomb na siyang masasabing pinakasikat na girl group noong late 1990’s hanggang 2010’s.