SWAK sa kulungan ang dalawang tulak matapos makuhaan ng mahigit P100,000 halaga ng droga nang matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na buybust operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., dakong 10:15 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Sanchez sa Dumpsite, Area 4, Pinalagad, Brgy. Malinta laban kay alyas Glenn, 32 anyos, residente sa Brgy. Marulas.
Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up operatives saka pinosasan ang suspek.
Nakompiska sa suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000 at buybust money na isang P500 bill, kasama ang pitong pirasong P1,000 at dalawang P500 boodle money.
Nauna rito, dakong 2:25 am nang maaresto ng kabilang team ng SDEU sa buybust operation sa Gen T. De Leon Rd., Brgy. Gen. T. De Leon, si alyas Ponching, 21 anyos, isang construction worker.
Nakuha sa suspek ang halos limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, isang gramo ng marijuana na nasa P120 ang halaga at buybust money na isang P500, kasama ang walong pirasong P1,000 boodle money at P200 recovered money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)