SIPAT
ni Mat Vicencio
SINO ba naman ang maniniwala sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan at pati si Makati Mayor Abby Binay ay pumasok na rin sa ‘Magic 12’ ng senatorial race na nakatakda sa May 2025 midterm elections.
Kung inaakala ng mga may pakana ng survey na mapalulundag nila ang taongbayan sa naging resulta nito ay nagkakamali sila dahil lumalabas na hindi kapani-paniwala at hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng Pulse Asia.
Mantakin ba namang pumasok sa 12th place si Abby sa senatorial survey at naungusan pa si dating Senator Ping Lacson na kilala bilang magaling na mambabatas kabilang na ang hindi malilimutang mga exposé o pasabog sa Senado.
At ang nakatatawa pa rito, pati sina Senator Francis “Tol” Tolentino at Senator Lito Lapid ay sopla rin sa ‘Magic 12’ at nalagpasan din ni Abby sa kabila ng pagiging incumbent senator ng dalawang mambabatas.
Hindi rin totoo na higit na popular si Abby kung ikukumpara kina Willie Revillame na sikat na showbiz personality at Dr. Willie Ong na pinagkakaguluhan sa social media dahil sa kanyang ginagawang mga payong pangkalusugan.
Sa nasabing senatorial survey ng Pulse Asia, si Willie ay nasa 14th place lang at si Ong naman ay nasa pang 16 na puwesto. Kahit saan tingnang anggulo, imposibleng maunahan ni Abby ang dalawang sikat na personalidad na kilalang-kilala sa buong Filipinas.
At sino rin ang maniniwala na mauunahan pa ni Abby sa senatorial survey ang mga batikang politiko tulad nina Francis Pangilinan, Ralph Recto, Gringo Honasan, Bam Aquino, Frank Drilon, at Richard Gordon?
Kaya nga, marami talaga ang nagtataka kung bakit pumasok sa ‘Magic 12’ si Abby sa isinagawang senatorial survey at marami tuloy ang nagtatanong na baka naman sa paligid lang ng mga barangay ng Makati isinagawa ang survey o sa palibot ng bahay ng mayor.
Nawalan ng kredebilidad ang Pulse Asia at halatang-halatang ipinilit na isama si Abby sa ‘Magic 12’ ng senatorial survey kahit sabihin pang hindi naman pang senador ang kalibre ng mayor kompara sa mga political personalities na kasalukuyang lumulutang na mga pangalang tatakbo sa Senado.
Nakapanghihinyang dahil bukod sa Social Weather Station (SWS), ang Pulse Asia ang isa sa mga survey firms na iginagalang at pinaniniwalaan, at ngayon ay sinira dahil lamang kay Abby na pilit na isinama sa ‘Magic 12’.
Abby, sibakin mo na ang mga handler mo!