SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TIYAK na ang Season 2 ng hit Korean action-drama series ni Lee Seung Gi dahil tinatapos na ang script at pina-finalize na ng production ang ilang mahahalagang detalye nito.
Ito ang ibinalita ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa pagbubukas ng pinakabagong BBQ Chicken nito sa Ayala Malls Feliz, Pasig noong Martes ng hapon.
Anang dating gobernador, tuloy na tuloy na nga ang pagsasagawa ng Vagabong Season 2 at napag-alaman naming isa siya sa magiging prodyuser nito.
Ang Vagabond 2 ay pagbibidahan pa rin ni Seung-gi at ng leading lady niya sa unang season na si Bae Suzy with Shin Sung-rok na ipinalabas sa Korea noong 2019 na umere rin sa Netflix.
Ani Manong Chavit, dito sa Pilipinas kukunan ang ilang bahagi ng serye na magpapakita sa magagandang lugar sa ating bansa.
“Gusto ko na maipakita sa series ‘yung naggagandahan nating lugar dito sa Pilipinas.
“Itutuloy dito. Nakatapos na sila niyong season 1 tapos ‘yung continuation (season 2), dito na sa Pilipinas kukunan.
“Tinatapos muna ‘yung istorya para may susundan sila. Unlike the others na kapag gumawa, hinuhulaan kung saan susunod, ‘yun ayaw nila, gusto nila kompleto na ‘yung istorya.
“At oo makakasama ako sa production dahil niyayaya nila ako,” pagbabalita ni Singsong.
Bukod sa pagiging business partners nina Manong Chavit at Lee Seung-gi, endorser din ang huli ng BBQ Chicken na unang may franchise sa Robinson’s Magnolia. Magkasosyo rin sa negosyo sina Singsong at Seung-gi sa pagpapatayo ng Little Seoul sa Metrowalk na agiging attraction ang bonggang concert venue para sa mga K-pop idol.
Sinabi pa ni Singsong na walong BBQ Chicken pa ang itatayo niya ngayong taon kaya naman asahan ang marami pa nitong franchise sa iba’t ibang malls sa ating bansa.
Lalahok din ang BBQ Chicken sa Philippine Franchise Expo mula Abril 12-14, 2024. Kaya sa mga interesadong makakuha ng franchise nito, maaaring kumontak sa [email protected] o tumawag sa 7006-1103. Ito lamang ang official contract para sa franchising at wala ng iba.
Sa kabilang banda, iginiit ni Singsong na hindi suhol ang ibinibigay niyang P100K sa mga enforcer na nanghuli sa kanya kamakailan nang dumaan sila sa EDSA Busway. Aminado rin itong may mali sila sa pagdaan doon.
“MALI pa rin kami, hindi dapat tularan,” ani Singson at iginiit na pabuya ang ibinibigay na P100 bilang pagtupad nila sa mga sinumpaang tungkulin ng mga enforcer.
Kaya naman sa darating na Lunes, April 15, posibleng dalhin niya sa tanggapan ng MMDA ang ipinangako niyang P100,000 sa mga nanghuli sa kanya sa busway.
“Sa Monday (ko ibibigay), kasi ipinagpaalam ko muna baka akala nila bribe ‘yun. Ano ‘yun, to encourage enforcers to do their duties and to show that no one is above the law.
“Whatever the reason, ‘ika ko nga talagang kasalanan namin dahil nag-overtake kami roon.
“Umiwas lang kami pero kahit na anong rason, mali pa rin kami at hindi dapat tularan,” sabi pa ni Chavit.