SWAK sa selda ang apat na drug suspects, kabilang ang dalawang ginang matapos madakip ng pulisya sa magkahiwalay na buybust operations sa mga lungsod ng Malabon at Navotas.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong 3:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buybust operation sa Gozon Compound, Brgy. Tonsuya laban kay alyas Merlin, 58 anyos, (pusher/listed), residente sa Brgy. Longos.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinakip ng mga operatiba, kasama si alyas Kang Kang, 53 anyos, bumili rin umano ng droga kay alyas Merlin.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 5.0 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000 at bust money.
Sa Navotas, nalambat ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU team sa buybust operation sa Tanigue St., Brgy., NBBS Dagat-Dagatan dakong 10:18 pm sina alyas Vecvec, 59 anyos, isang electrician, taga- Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), at alyas Aron, 20 anyos, ng Brgy. NBBN.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakuha sa mga suspek ang aabot sa 5.5 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P37,400 at buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)