KALABOSO ang kinabagsakan ng isang lalaki matapos manggulo at mambulabog sa katahimikan ng gabi habang armado ng baril sa Caloocan City.
Arestado ang suspek na kinilala bilang alyas Topak, residente sa Brgy. 175, Camarin ng nasabing lungsod.
Dakong 1:30 am nang mabulabog ang natutulog na mga residente ng Robes II, Brgy. 175 Camarin sa ginawang panggugulo at paghahamon ng away habang may bitbit na isang sumpak.
Ayon kay Caloocan police chief Ruben Lacuesta, kaagad itinawag ng isang concerned citizen sa lugar ang pagwawala ng suspek dahilan upang respondehan ng mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station-11 na nakasasakop sa lugar.
Pagdating sa lugar ay naabutan ng mga pulis, kasama ang ilang barangay tanod ang suspek na palakad-lakad at patuloy sa pagwawala habang hawak ang isang baril kaya siyang dinamba ng mga awtoridad.
Nakompiska sa suspek ang isang improvised shotgun na kargado ng 12-gauge na bala.
Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)