IMBES multa sa paglabag sa ordinansa dahil sa pag-ihi sa pader, kalaboso sa ilegal na droga at baril ang isang lalaking nasakote ng mga pulis sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa Gen. Evangelista St., Brgy. 144 nang maispatan nila ang isang lalaking lasing na umiihi
sa pader dakong 10:50 am na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.
Nang lapitan ng mga pulis, napansin nila ang puluhan ng baril na nakausli sa likod ng lalaki ngunit nang mapansin nito ang kanilang presensiya ay agad tumakbo.
Dito nagkaroon ng habulan hanggang makorner ang lalaki at nang kapkapan ay nakompiska sa suspek na si alyas Nonoy, ang isang plastic sachet na naglalaman ng 8.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P57,800 at isang.38 revolver na may tatlong bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act. (ROMMEL SALES)