Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
IBA’T IBANG pakulo o propaganda na ang sinisimulan ng mga nagnanais tumakbo sa iba’t ibang posisyon, nariyan ang patuloy na pagbibigay ng mga ayuda. Lalo na ngayong panahon ng summer, nauuso ang mga pakontes, sagala, piyestahan, paliga sa isports na ang mga papremyo ay ini-solicit sa mga natunugang kakandidato ng mga organizers.
Ang mga barangay captain, buhay na buhay sa pagtanggap ng tulong na kanilang hinihingi sa local executives. Wala nang katinuan talaga ang ating bansa sa larangan ng politika. Lahat ay nabibili, lahat nababayaran. Lahat ng kandidatong nangako dapat tuparin. Lalo’t atat na atat manalo sa ikalawang terminong kandidato dahil nakahihiyang matalo at naranasan na ang makapuwesto kaya lahat ay gagawin para muling makapuwesto.
Ang mga kaanak na nabigyan ng trabaho nang dahil sa mataas na posisyon ng kamag-anak ay nakaipon na ng puhunan para suporta sa kaanak na nakapuwesto para muling magkamal ng salapi sakaling muling mahalal ang kaanak sa mataas na posisyon. Kapag kaanak ka ng isang halal na alkalde hindi ka na job order kundi casual at biglang magiging regular employee habang ang ibang empleyado na matagal na ay nananatiling casual employee.
Iyan ang kaibahan kapag sanggang-dikit mo ang punong-bayan, mabilis ang asenso.
Sa mga matatapos na ang termino sa lokal na pamahalaan, sigurado ang papalit sa posisyon, kung hindi asawa ay anak.
Kung alam naman natin na maganda ang ginawa sa kanyang panunungkulan at tunay na nagseserbisyo, bakit hindi pagbigyan?
Pero kung corrupt at puro nakaw lang ‘wag nang bigyan ng tsansa, anak man ‘yan o asawa!
Tayong mga botante ang kaawa-awa dahil ang boto natin ay hindi na mababawi, bibilang muli ng tatlong taon bago natin mapalitan. Nagkamali ka man, dapat pag-isipan kung karapat-dapat ba ang ating iboboto.
Malayo pa ang susunod na eleksiyon, gaya ng sinabi ko ngayon pa lang ay marami nang umiikot, nagpapakilala. Pero ingat tayo dahil baka mabiktima ng manlilinlang na kandidato.
Meron akong kakilala noong nangangampanya sobrang galante mamigay ng tulong, malaki mag-abuloy sa mga patay, pero nang manalo at iboto ng mga nabigyan ng tulong, ngayon ay maramot na at marami pang daldal.
Kapag binusog mo ang isang botante sa panahon ng kampanyahan, aasahan niyan na galante ka pa rin. ‘Pag nabigo ‘yan sila rin ang maglalaglag sa iyo.