PASOK sa selda ang tatlong lalaki matapos maaktohan ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta, kasalukuyang nagsasagawa ng police visibility ang mga tauhan ng Hillcrest Police Sub-Station 8, nang isang concerned citizen ang lumapit at ipinaalam sa kanila ang tungkol sa nagaganap na pot session sa gilid ng tulay sa Camarin Road, Brgy. 172.
Kaagad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar kung saan naaktohan nila ang tatlong lalaking abala sa pagsinghot ng shabu dakong 11:50 pm na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek na sina alyas Jojo, Nonoy, at Toto ang isang nakabukas na plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,720 at ilang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)