KRITIKAL ang lagay ng isang isang tireman matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center (VMC) sanhi ng mga tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Jeroen Jimenez, 32 anyos, stay-in sa Nitudas vulcanizing shop na matatagpuan sa Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., naganap ang insidente ng pamamaril dakong 9:40 pm sa harap ng nasabing vulcanizing shop.
Batay sa pahayag sa pulisya ng mga saksi, isang hindi kilalang rider ang dumating sa naturang vulcanizing shop para ipaayos ang flat na gulong ng kanyang motorsiklo at kinausap nito ang biktima ngunit abala sa paglalaro sa cellphone kaya ang kanyang helper ang nag-ayos ng gulong.
Pero bumalik ang rider saka kinompronta ang biktima nang muling ma-flat ang gulong ng kanyang motor na naging dahilan upang mauwi sa mainitang pagtatalo kaya sinabhin ni Jimenez ang kasama niya na ibalik ang ibinayad ng rider na itinulak palayo ang motorsiklo patungong Caybiga, Caloocan City.
Makalipas ang mahigit isang oras, dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo kapwa nakasuot ng itim na long sleeves at itim na helmet ang dumating na sumisigaw ang back rider ng katagang “Pu…. Mo huwag ganyan!”
Kasunod nito ay pinagbabaril ang biktima na nakaupo sa harap ng shop bago mabilis na tumakas patungong Mindanao Avenue, Quezon City.
Nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan para maaresto ang mga suspek habang nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage sa lugar na maaaring makatulong sa imbestigasyon. (ROMMEL SALES)