NADAKIP ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ang lalaking itinuturing na No. 3 most wanted person (MWP) sa Navotas sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni DSUO chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong akusado na si alyas Badjao, 22 anyos, residente sa Brgy. 28, Caloocan City na pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng DSOU habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Lt Col. Sales, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ng akusado kaya bumuo ng team sa pangunguna ni P/Major Marvin Villanueva para sa gagawing pagtugis kay Badjo.
Kasama ang mga tauhan ng NPD-DID, Northern NCR Maritime Police Station, at WSS ng Navotas police, agad nagsagawa ang DSOU ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong 3:30 pm sa kahabaan ng Blk. 14 Pamasawata, Brgy. 28, Caloocan City.
Ani Maj. Villanueva, binitbit nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Romana Maria Melchora P. Lindayag-Del Rosario ng Branch 287, Navotas City noong 30 Enero 2024 para sa kasong Murder. (ROMMEL SALES)