NASABAT ng pulisya sa dalawang hinihinalang drug personalities ang mahigit P96,000 halaga ng droga matapos matimbog sa buybust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas Pusa, 56 anyos, helper; at alyas Lennon, 26 anyos, driver; kapwa residente sa Torsillo St., Brgy., 28.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rezalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buybust operation kontra kay ‘Pusa’ matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta nito ng droga.
Matapos tanggapin ni ‘Pusa’ ang P500 marked money na may kasamang 6-pirasong boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama si ‘Lennon’ dakong 3:47 am sa nasabing lugar.
Nakompiska sa mga suspek ang may 14.25 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang may Standard Drug Price (SDP) value na P96,900, at buybust money.
Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)