ARESTADO ang dalawang lalaki matapos mahuli sa akto na may dalang baril at patalim habang pagala-gala sa Caloocan City.
Sa report ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong 4:30 am nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 5 sina alyas Balong at alyas Rudy sa Reparo St., Brgy. 149, Bagong Barrio dahil sa pagdadala ng baril at patalim.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang SS5 mula sa Brgy. 149 at inireport sa kanila ang hinggil sa dalawang kahina-hinalang lalaki na paikot-ikot malapit sa paligid ng Barangay Hall, isa sa kanila ay sinabing armado ng baril.
Agad nagresponde sa lugar ang mga pulis ngunit nang mapansin ng mga suspek ang kanilang presensiya ay nagtangkang tumakas pero nakorner ng mga parak.
Nakompiska sa mga suspek ang isang 9mm na baril, may isang magazine na kargado ng dalawang bala at isang folding knife.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC, BP 6 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (ROMMEL SALES)