MAHIGIT P.2 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa tatlong drug personalities, kabilang ang dalawang high value individual (HVI) matapos matimbog sa magkahiwalay na buybust operations sa Valenzuela City.
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Sanchez ang buybust operation laban kay alyas Bukol, 43 anyos, (HVI) ng Brgy. Mapulang Lupa.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa suspek ng P8,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang buybust money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba dakong 11:00 pm sa S. Feliciano St., Brgy. Mapulang Lupa.
Nakompiska kay ‘Bukol’ ang nasa 18 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P122,400, buybust money na isang P500 bill, kasama ang walong pirasong P1,000 boodle money, at P300 recovered money.
Samantala, dakong 10:00 pm nang maaresto ng kabilang team ng SEDU sa bust operation sa Sto. Rosario St., Brgy. Karuhatan, ang dalawa pang tulak na sina alyas Christopher, 48 anyos, (HVI) at alyas Jame matapos bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha sa mga suspek ang aabot sa 12 gramo ng hinihinalang shabu, may katumbas na halagang P81,600, buybust money at P150 recovered money.
Ayon kay P/MSgt. Carlos Erasquin, Jr., kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)