HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang stroke patient na padre de pamilya nang masukol sa nasusunog nilang bahay sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Caloocan Fire Marshal F/Supt. Ronaldo Sanchez, nagsimulang sumiklab ang sunog dakong 3:49 am, sa bahay ng biktimang si alyas Peter, 59 anyos, sa Area 1 Block 26, Brgy. North Bay Boulevard-South (NBBS), Dagat Dagatan na hinihinalang sanhi ng naiwang nakasinding kandila.
Nagawang makaligtas ang mag-ina ng biktima na nakalabas ng bahay ngunit hindi na nakalabas si Peter, na kamakailan lang ay na-stroke, sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy na nagsimula sa tinutulugan niya sa 2nd floor ng tatlong palapag nilang tirahan.
Ayon sa ulat, sementado ang pader ng bahay ng biktima pero gawa sa kahoy ang kanilang sahig at wala rin supply ng koryente kaya kandila ang gamit ng biktima.
Walang ibang bahay na nadamay sa sunog habang tinatayang aabot sa P45,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok ng apoy. (ROMMEL SALES)