MA at PA
ni Rommel Placente
GALIT na galit ang komedyanang si Kim Molina sa pambabastos ng isang netizen sa kanya, lalo na sa dyowa niyang si Jerald Napoles.
Sa isang Facebook post, ibinandera ni Kim ang screenshot ng pagtalak niya sa bastos na basher.
“Na ** na po ba kayo ng jowa mong mukhang kargador?” tanong ng netizen.
Hindi nakapagpigil si Kim na sinagot ang netizen.
“Una sa lahat, BASTOS KA,” sagot ni Kim sa basher.
Patuloy niya, “Alam kong fake account ‘yan na malamang ginagamit mo lang para mambash at makapag-comment dahil hindi mo kayang gawin gamit ang totoong pangalan mo. Takot ka rin kasi kaya nagtatago ka dyan. What a sad life you have.”
Inamin din ng komedyana na totoong naging kargador noon ang dyowang aktor bago maging isang artista.
“YES. Isa yun sa mga trabahong pinasok niya nung hindi pa siya nag-aartista, bago pa mag-teatro,”pagbubunyag ni Kim.
Kuwento pa niya, “Nag-extra sa pagiging kargador ng mga tela sa divisoria. Isang marangal na trabaho pandagdag kita sa araw-araw.”
“Proud ako sa lahat ng pinagdaanan ni Je kaya hindi ko gets bakit may halong mali ang pag-associate ng term na ‘yan sa iba. Nothing’s even wrong with it so…” ani pa niya.
Sa caption naman niya sa FB post, sinabi ng aktres na maliban sa pamba-bash, nais niyang linawin na hindi dapat ikinahihiya ang mga trabaho na tulad ng pagiging kargador.
“Ano ba problema niyo sa pagiging ‘kargador’ eh sa totoo lang, people who do hands-on labor work are people we should acknowledge sa hirap ng ginagawa nila araw-araw. Hindi ito dapat ikahiya.
“Kung wala sila, sige, ikaw magbuhat ng sarili mong box na sandamakmak, ikaw maghalo ng sarili mong semento, ikaw magtapon ng sarili mong truck ng basura, ikaw magpukpok ng sarili mong kabinet at ikaw bumuo ng sarili mong bahay o building gamit ang sarili mong kamay.”