Sunday , December 22 2024

Ate Vi binigyan ng 10 minutong standing ovation sa Tagos ng Dugo 

HATAWAN
ni Ed de Leon

BAGAMAT ang paborito ko pa rin sa lahat ng pelikula ng Star For All Seasons ay iyong Relasyon, marami ang nagsasabing ang pinaka-matinding acting ni Vilma Santos ay ipinamalas sa pelikulang Tagos ng Dugo. Ano pa’t nang muli nga itong ipinalabas sa Film Development Council of the Philippines (FDDCP) noong Sabado,ang mga eksena ay sinasalubong nila ng palakpakan at nang matapos ay binigyan pa ng halos sampung minutong standing ovation ng mga nanood ang aktres. 

Nagtindigan sila sa kanilang kinauupuan at nagbigay ng isang masigabong palakpakan at may sumisigaw pa “Viva Santos”. 

Dumating si Ate Vi sa film showing ng kanyang pelikula na nasundan ng isang talk back kasama ang dating chairman ng FDCP na si Tirso Cruz III at ang kanyang asawang si Lynn. Marami ang nakapansin na mukhang nabuo ang kanilang barkada nang magkasama-sama sila sa pelikulang When I Met You in Tokyo.

Nakalulungkot nga lang nang sabihin nila na wala nang makitang kopya ng pelikulang Tagos ng Dugokundi iyon lamang hango sa U matic. Ibig sabihin ang kopyang inilabas sa telebisyon o sa cable, na na-compress pa nang isalin sa DVD. Ganoon pa man, sinabi ng mga film archivist na inayos naman nila ang kulay ng pelikula para mawala ang mga guhit-guhit niyon. 

Noon pang 1987 ipinalabas ang pelikulang iyan at ang gamit pa noon ay film, kaya ang kopya dahil sa daan sa mga aparato o projectors ay nagkaroon ng gasgas. Eh wala na ngang negatives.

Dito kasi sa PIlipinas talagang tipid ang produksiyon ng pelikula. Sa US at sa iba pang mga bansa na mas mauunlad ang industriya ng pelikula, ang orihinal na negatives ay talagang itinatago at gumagawa sila ng duplicating negatives na siyang ginagamit sa paggawa ng kopya ng pelikulang ipalalabas sa mga sinehan. Eh dito sa atin kahit na noong araw, ang sinasabi ay gumagawa lang naman tayo ng halos  anim hanggang sampung kopya lang ng pelikula para ipalabas sa mahigit na 600 sinehan sa buong bansa kaya dagdag na gastos lang iyong gagawa ka pa ng duplicating negative. 

Noon kasi hindi naman inakala ng industriya na magkakaroon nga niyang video, at kailangan ang restoration ng mga pelikula para mapanood ng kasunod na henerasyon. Walang nag-isip noon ng film preservation, dahil sa kanila ilalabas lang iyan ng minsanan sa sinehan, tapos flat rental na iyan at hindi na kailangan ang magandang kopya. Tanging si FPJ lang ang nagkaroon ng foresight at pinangalagaan ang negation ng lahat ng mga ginawa niyang pelikula. At para nga mapangalagaan iyon, bahagi na ng kanyang kontrata na ang tv at video rights ng pelikula ay sa kanya. Hindi para madagdagan ang kita niya kundi para matiyak na mapangangalagan ang mga negatibo ng pelikula para sa future generation. 

Dito sa Pilipinas ang  magastos na film restoration, na kung iisipin mo ay mas magastos pa sa gumawa ng panibagong pelikula na ginagawa ng pribadong sector. Isa sa mga nanguna sa film restoration ay ang ABS-CBN, pero simula nga noong magsara na ang network dahil nawalan ng prangkisa wala na rin silang pera at walang pondo kaya natigil ang film restoration nila. May mga samahan naman ngayon ng mga film archivist kagaya nga niyong Sofia, pero dahil pribadong sector nga hindi rin naman maaaring tuloy-tuloy ang kanilang gastos.

Kaya nananawagan din sa gobyerno si Vilma para tumulong naman sa restoration ng ating magaganda at klasikong pelikula para iyon ay makita pa rin ng mga susunod na henerasyon. After all, iyon ay kabilang sa kinikilalang sining sa ating bansa. 

Noong hapong iyon gulat na gulat ang mga kabataang ngayon lamang napanood ang Tagos ng Dugo at sinasabing kahit na raw pala noong araw pa ay nakagagawa na ang mga Filipino ng ganoon kaganda at kapangahas na pelikula.

Iyang Tagos ng Dugo ay masasabing marami ring naipakilalang mga bagong artista, baguhan pa lamang noon ang ngayon ay mayor na si Richard Gomez kaya maikli lamang ang role niya sa pelikula at agad siyang napatay ng serial killer na si Vilma. Kung ngayon iyan baka siya ang gumanap sa role ng pulis na si Andy na ginampanan naman ng noon ay sikat na basketball player ng Toyota na si Francis Arnaiz

Natatandaan naming noong ginagawa pa lang ang pelikulang iyan isinama kami ng kanilang PR man na si Douglas Quijano sa isang shooting sa San Juan kung hindi kami nagkakamali at noon sinasabi niyang ang inaasahan nilang talagang babatak ng manonood ay si Francis dahil sikat na sikat nga iyon bilang isang basketball player. At nakagawa na siya ng ilang pelikulang puro comedy naman at forgettable. Sa pelikula with Vilma, talagang aarte si Francis sabi sa amin, at totoo ngang parang isang tunay ding actor ang sikat na cager.

Actually noong sabihin sa akin na isa sa mga lalaki sa pelikula si Francis kahit ako parang na-starstruck. Kasi sikat siya talaga noon at hindi naman maikakaila na ang guwapo niya talaga. Noong una kaming nagkita medyo ackward pa eh, kaya noong magkaroon kami ng workshop, kay Abbo dela Cruz pa noong araw, talagang napag-usapan kung paano gagawin ang eksena kaya kabisado na namin iyon nang mag-shooting, and in fairness he delivered, mahusay ang acting niya sa pelikula,” sabi ni Ate Vi.

Roon din sa talk back sinabi ni  Ate Vi na sa ngayon ay talagang aktibo siya sa mga ganyang talk back sa kanyang mga pelikula, para makatulong na mabuksan ang isipan ng publiko na ang Filipino ay may kakayahang gumawa ng mahusay na pelikula at hindi dapat maliitin o panghinayangang panoorin iyon sa mga sinehan. Kasi napansin naman niya na pagkatapos ng festival, bumagsak ulit ang theater attendance sa mga pelikulang Filipino kasi nga nagbalik na naman ang mga low budget movies at mga indie na ayaw namang panoorin ng mga tao.

Sabi nga ni Ate Vi, “Ito na iyong panahong hindi ako gagawa ng pelikula dahil kailangan ko ng pera o may utang akong kailangang bayaran. Hindi na ako gagawa ng pelikula para magpasikat. Gagawa ako ng pelikulang gusto ko, iyong makapagbibigay sa akin ng isang bagong challenge, at iyong magugustuhan ng fans ko at ng publiko.

“Para sa akin ito na ang payback time dahil sa mga nagawa naman para sa akin ng buong industriya at ng fans ko sa loob ng mahigit 60 taon ko bilang isang artista. Kaya ang gagawin kong mga pelikula ay iyong masisiyahan akong gawin, iyong may challenge at iyong magugustuhan ng aking mga loyal fan na hanggang ngayon ay nariyan pa rin. Bagama’t nakikita ko ang pagsisikap ng aking fans na tangkilikin ang aking mga pelikula, masasabi kong walang artista na may sapat na bilang ng fans para masigurong kikita ang isang pelikula. Kailangan natin ang suporta ng mga mamamayan para magtagumpay ang industriya, at iyon ang pinagsisikapan ko sa ngayon. Kaya nga natutuwa ako kung may nagsasabi sa akin na nanood siya ng sine, kahit na hindi ko pelikula dahil ang hangarin naman natin ay makumbinsi silang manood ng pelikulang Filipino sa mga sinehan para mabuhay ang industriya at matiyak natin ang hanapbuhay ng mahigit na 25,000 manggagawa sa industriyang ito ganoon din ang kanilang mga pamlya,” sabi ni ate Vi.

Iyong screening ng pelikula na nagsimula ng 3:00 p.m. ay inabot ng hanggang halos 8:00 p.m. dahil sa haba ng naging talk back at kahit na nga may kasunod pa siyang appointment hindi nagbigay ng limit sa mga katanungan si Ate Vi. 

“Dahil ayaw kong umuwi sila ng hindi ko nasasagot ang lahat ng gusto nilang malaman.”

Pero ewan naman sa parte niya kung ano ang bago, dahil wala namang nasabi roon kundi mga papuri sa kanyang kahusayan bilang aktres, at sinasabi nga nila na siya ang ultimate actress dahil nasa kanya na ang lahat na ayaw namang tanggapin ng napaka-humble na aktres.

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …