HINDI KUKULANGIN sa 1,000 pamilya mula sa Barangay Payatas ang potensiyal na maging benepisaryo ng Direct Sale and Direct Purchase Program ng Quezon City Housing, Community Development and Resettlement Department (HCDRD).
Ito’y matapos malagdaan ng Quezon City Government at ng Mega East Properties Inc., ang deed of sale sa pagbili ng lupa.
Pinangunahan nina Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto ang deed of sale signing kina MEPI President Bobby Gonzales, at Edgar Khron ng MRCI.
Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng ganap na pagmamay -ari ang informal settler families sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay na matagal na nilang tinitirahan.
Sa ilalim ng programa, bibilhin ng lokal na pamahalaan ang lupa mula sa private owners upang maibahagi at maibenta sa mga residente sa mababang halaga.
Mula noong Hulyo 2019, mahigit 17,000 mahihirap na benepisaryo sa lungsod ang nabigyan na ng security of land tenure sa pamamagitan ng Land Acquisition and Socialized Housing program ng lungsod.
May kabuuang 36.1 ektarya ng lupa ang nabili ng LGU sa Barangays Payatas, Bagong Silangan, Baesa, at Old Balara. (ALMAR DANGUILAN)