SA KULUNGAN bumagsak ang tatlong drug suspects, kabilang ang isang babae matapos makuhaan ng mahigit P.1-M halaga ng droga sa buybust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/ Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas JonJon, Jacinto, at Lanie, pawang residente sa Magtanggol St., Brgy., 29 ng nasabing lungsod.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Emforcement Unit (SDEU) ang buy- bust operation sa Magtanggol St., matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities nina ‘JonJon’ at ‘Jacinto’.
Nang tanggapin ng mga suspek ang isang P500 marked money na may kasamang anim pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong 1:46 am, kasama si alyas Lanie na bumili rin umano ng droga sa kanila.
Nakompiska sa mga suspek ang 18.26 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P124,168 at buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)