ARESTADO ang dalawang lalaki na kapwa wanted sa kaso ng panggagahasa matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operations sa Caloocan City.
Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas Rudy na kabilang sa mga most wanted persons (MWP) sa lungsod.
Bumuo ng team ang WSS saka nagsagawa ng manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 11:00 pm sa Sixta Matias St., Brgy. 171, Sampaloc Bagumbong.
Arestado ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 131, Caloocan City noong 5 Pebrero 2024, para sa kasong Qualified Rape under Art. 266-A, par. 1(A) in rel. to Art. 266-B (1) of the RPC (4 counts).
Nauna rito, dakong 9:45 pm nang malambat ng kabilang team ng WSS, kasama ang mga operatiba ng Intelligence Section sa joint manhunt operation sa B. Serrano Avenue, Brgy. 86, ang isa pang MWP na si alyas Ramon.
Pinosasan ng mga tauhan ni Col. Lacuesta ang akusado sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Barbara Aleli Hernandez Briones ng Family Court Branch 1, Caloocan City noong 8 Pebrero 2024, para sa kasong Statutory Rape, 3 counts. (ROMMEL SALES)