NASABAT ng pulisya ang mahigit P.1 milyong halaga ng droga sa limang drug suspects matapos matiklo ng pulisya sa magkahiwalay na buybust operation sa Navotas at Malabon Cities.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ang buybust operation kontra kay alyas Dudoy, 21 anyos, nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities nito.
Nang tanggapin ni Dudoy ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama sina alyas JM, 19, at Ricky, 50, tricycle driver, dakong 1:57 am sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque.
Ayon kay P/SSgt. Flosine-Mar Nebre, nakompiska sa mga suspek ang 7.71 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P52,428 at buybust money.
Sa Malabon, nabingwit ng mga operatiba ng SEDU ng Malabon police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Mark Xyrus Santos sa buybust operation bandang 11:30 pm sa Gozon Compound, Brgy. Tonsuya si alyas Daysun, 42, babae, at ang kanyang kasabwat na si alyas Andrew, 29.
Ani P/SSgt. Kenneth Geronimo, nakuha sa kanila ang hindi kukulangin sa 10.2 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P69,360 at isang P500 bill na ginamit bilang buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. ( ROMMEL SALES)