DALAWANG tulak ng ilegal na droga ang nadakip matapos makuhaan ng mahigit P69,000 halaga ng shabu nang maaresto sa isinagawang buybust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/SSgt. Kenneth Geronimo, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SEDU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Mark Xyrus Santos ang buybust operation kontra kay alyas Daysun, 42 anyos, babae, ng Brgy., Tañong matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksiyon kay Daysun ng P500 halaga ng droga.
Nang tanggapin ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinakip ng mga operatiba dakong 11:30 pm sa Gozon Compound, Brgy. Tonsuya, kasama ang kanyang kasabwat na si alyas Andrew, 29 anyos.
Nakompiska sa mga suspek ang hindi kukulangin sa 10.2 grams ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P69,360 at buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)