FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
PARA sa isang sumusumpang inosente siya habang nagkukubli sa likod ng pananampalataya, ginagawa ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang lahat upang maipagtanggol ang kanyang sarili mula sa alinmang independent inquiry. Puntirya siya ng Senado, kung saan naidetalye ang matitinding akusasyon laban sa kanya, pero nananatiling mailap si Quiboloy, piniling magtago sa likod ng katwiran ng kabanalan.
Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit hanggang sa puntong ito ay mayroon pa rin tulad ni Sen. Robinhood Padilla, na ginagawa ang lahat para hindi maisakatuparan ang pag-aresto sa televangelist. Hindi na sana darating pa sa ganoong punto si Sen. Risa Hontiveros kung humarap lang si Quiboloy sa pagdinig para depensahan ang kanyang sarili.
Gayonman, napagtanto na marahil ni Padilla na ang pagtataya ng lahat para sa pastor na ito, na inaakusahan ng napakaraming nakapanghihilakbot na krimen, dahil lang sa pagkakaibigan, ay magiging malaking problema para sa mga kasamahan niya sa Senado. Tingnan na lang niya kung paanong bumaligtad ang kaibigan niyang si Sen. JV Ejercito.
Kumilos maging ang Department of Justice (DOJ) upang irekomenda ang paghahain ng mga kasong kriminal laban kay Quiboloy, binalewala ang naunang paninindigan ng prosekusyon ng Davao City. Gayonman, may suspetsa ang ilan na bagamat aktuwal na kinakasuhan ng gobyerno ang pastor, maaaring ito raw ay insidente ng “demanda me,” na ang intensiyon marahil ay iiwas si Quiboloy mula sa extradition ng Amerika, na ang pendulum ng hustisya ay umiindayog nang palapit sa mukha niya.
Hindi ang Amerika ang tipong matagal na puro porma lang dahil sinampahan na nga ng mga seryosong kaso si Quiboloy sa isang korte sa California: pakikipagsabwatan para magsagawa ng sex trafficking na may pamumuwersa, panloloko, pananakot, sex trafficking ng mga bata, conspiracy, at cash smuggling.
Kung hindi mailalapat ang katarungan dito — dahil maliwanag namang nagkukubli siya sa likod ng grupo ng kanyang mga abogado — nagsisimula nang maging malinaw na ang mga krimeng ibinibintang sa kanya ay hindi basta makalulusot sa hustisya sa labas ng bansa.
Nitong Biyernes, na-unseal na ng korte sa California ang mga warrants para ipadampot siya. Bagamat wala pang hiling na extradition ang Amerika, sinabi ng mga eksperto sa batas na obligado ang Filipinas, sa bisa ng isang treaty, na isuko siya.
Pero dahil may mga nakabinbin siyang kaso sa Filipinas, naniniwala ang mga legal experts na kakailanganin lamang ang desisyong politikal mula sa administrasyong Marcos upang ipaaresto ang pastor at tumalima sa extradition request ng Amerika.
May kakayahan ang gobyerno na ibasura ang alinmang kasong kinakaharap niya rito upang bigyang-daan ang pagpapanagot sa kanya sa umano’y mga krimeng naisampa sa kanya sa Amerika.
Naniniwala ako sa panalangin. Pero kapag nanggagaling ito mula sa bibig ni Quiboloy para iligtas ang sarili mula sa kanyang mga kagagawan, duda ako kung paglalaanan siya ng Langit ng sanktuwaryo para makaiwas sa makapangyarihang impluwensiya ng hustisya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).