Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
INIREREKLAMO ng may 11 empleyado ang JUJU Mart na matatagpuan sa Chino Roces Ave., Makati City dahil sa kawalan ng benepisyo gaya ng Social Security System (SSS) na dapat ay ipinagkakaloob sa kanila.
Pag-aari umano ito ng isang Intsik. Ilan sa empleyado ay matagal nang nagtatrabaho sa Juju Mart pero bulag at bingi ang may-ari sa mga benepisyong dapat ibigay sa mga empleyado kabilang ang 13th month.
Ang Juju Mart ay sinasabing may paglabag sa batas ng NLRC kaya dapat buksan ng nasabing ahensiya ang kanilang mga mata upang makatulong sa mga manggagawa.
Ang mga nasabing Intsik ay dapat hatulan dahil mga dayuhan at siya pang umaapi sa maliliit na manggagawa.
Paging NLRC!
JS Senior Prom sa Pasay mukhang luto ang laban
ILANG kandidata sa ginanap na JS Senior Prom ang hindi nagustohan ang itinanghal na Miss JS Prom ng Pasay City West High School, ginanap sa Jose Rizal Elementary School.
Ang dahilan ay ang pagkapanalo umano ng anak ng PTA President at inakusahan na ‘niluto’ ang kompetisyon.
Anang ilang estudyante, hindi dapat isinasali ang anak ng may katungkulan sa PTA o sinomang anak ng titser, dahil malaki ang impluwensiya sa mga skul ng PTA President.
Bukas ang pahayagang ito para sa kasagutan ng pamunuan ng Pasay City West High School.