FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA HULING survey ng WR Numero na ginawa noong Disyembre, na ang resulta ay nitong weekend lang isinapubliko, nangunguna si Senator Raffy Tulfo sa mga napipisil ng mga sumusuporta sa oposisyon na maging susunod na pangulo ng bansa para sa eleksiyon sa 2028.
Sa survey, ang mga opposition voters ay nagbigay sa kanya ng 35% ng kanilang suporta. ‘Sumisirit’ ang pag-angat niyang ito, lalo na at labis ang popularidad ng opposition leaders na tulad ni dating bise presidente Leni Robredo, na pumapangalawa sa kanya sa survey sa nakuhang 23.5%.
Ang survey numbers ni Tulfo ay nagpapakita ng nagbabagong dynamic, ngayong nasa ikatlong puwesto na si Vice President Sara Duterte-Carpio para sa mga sumusuporta sa oposisyon, sa 17.5%. Ang interesante pa, bagamat nangunguna si Duterte-Carpio sa mga tagasuporta ng administrasyon, namamayagpag naman ang karisma ng bagitong senador sa buong Luzon, pasilip sa posibleng bentaha niya sa rehiyon.
Sinasabi ng ilan na ang pagpabor ng marami kay Tulfo ay senyales ng kinasasawaan na ang mga tradisyonal na politiko, nagpapakita ng kagustohan ng mga botante ng pagbabago. Ang pagpuwesto niya sa mga pinakapinaborang senador sa halalan noong 2022 ay lalo pang nagpalakas sa kanyang posisyon bilang isang matinding makakalaban.
Samantala, ang nagkalamat nang alyansa sa pagitan nina Duterte-Carpio at President Bongbong Marcos ay nagpapakita naman sa lumalalim na alitan sa mismong administrasyon. Ang isa sa mga pangunahing sanhi ng away ay ang imbestigasyon ng International Criminal Court laban sa hinalinhan ni Marcos, si Rodrigo Duterte, na ama ni Inday Sara.
Nagbabago na rin ang pananaw ng bayan sa isyu, sa huling survey ay natukoy na dumarami ang mga Pinoy na pabor nang pahintulutan ang pagsisiyasat ng ICC.
Sa gitna ng kawalang katiyakan o ng personal kong napupusuan, malinaw na ang pamamayagpag ni Tulfo ay kumakatawan sa isang potential catalyst ng pagbabagong politikal, isang pagtalikod sa mga nakagisnan nang dinastiya ng mga politiko at isang hakbang patungo sa bagong pamumuno.
Makati at Taguig naggigirian na naman
May panibago na namang girian ang magkaaway na magkapitbahay na Makati at Taguig nitong weekend, may kani-kanyang akusasyon kaugnay ng pangangasiwa at pag-okupa sa napakatagal nang Makati Park and Garden.
Pero teka lang, walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng land grabbing. Tinuldukan na ng Korte Suprema ang debate nang magdesisyon itong ilegal ang pag-okupa ng Makati City sa 10 EMBO barangay sa nakalipas na 30 taon.
Ibig sabihin, ang alegasyon ng Makati na nagtangkang mangamkam ng lupa ang Taguig ay walang kredibilidad. Pinili na lang marahil ni Mayor Abby Binay na dedmahin ang sariling kasaysayan ng ilegal na pag-okupa ng lupain at pang-aabuso ng Makati.
Hindi na nakagugulat na sinamantala ito ni Mayor Lani Cayetano para igiit kung paanong ipinasara ni Binay ang mga health centers at ipinagkait ang mahahalagang serbisyo mula sa mga residente ng EMBO.
Ikinatuwiran na rin niya na ang parke ay dapat na pinakikinabangan ng publiko at hindi gamitin sa galawang politikal ng Makati, na lumalabas na paraan ng paghihiganti at nakasasama.
Panahon na sigurong sumuko si Mayor Binay, payapang akuin ang kanyang pagkatalo, at tigilan na ang pakikialam sa pamamahala ng Taguig.
Kung sa huli ay magkulang o pumalpak si Cayetano at ang pamahalaang lungsod sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga taga-EMBO, hayaan na niyang gawin iyon ng Taguig — hindi ng makapangyarihang kamay ng mga Binay.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).