FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
Inakala ko noon na nag-iisa lamang ako sa pambabatikos sa madugo at walang katwirang giyera kontra droga ng dating pangulo at populist leader na si Digong Duterte. Pero sa bagong survey ng OCTA Research, nagmistulang may kuyog ng pagkondena, iisa ang sentimyento ng isang bansa na sa wakas ay natauhan at nagsawa na sa paniniil at mga pananakot.
Natuklasan sa survey noong Disyembre na 55% ng mga Pilipino ang gustong may managot, hinihiling na makipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa seryosong akusasyon laban kay Duterte. Kung pagbabasehan ang opisyal na tala na mahigit 6,000 buhay na nawala at pagtayang aabot sa nakapangingilabot na 30,000, ang may bahid ng dugo na legasiya ng rehimeng ito ay hindi na maaaring balewalain na lang.
Ang isang bagay na nakakaintriga, ang hiling na makipagtulungan ang gobyerno sa pagsisiyasat ng ICC ay magkakaiba sa mga rehiyon. Pinakamaraming sumusuporta sa Bicol region na may 79%. Mahusay! At, siyempre pa, ang balwarteng rehiyon ni Duterte na Davao ang nakapagtala ng pinakakakaunting suporta na 6%.
Totoong ang pagkakaibang ito ay sumasalamin sa epekto ng pamumuno ni Duterte sa iba’t ibang dako ng bansa. At noon, ito rin ang pinakiramdaman ni President “Bongbong” Marcos, na nagtangka rin marahil na ikubli ang mga kalupitan ng kanyang hinalinhan.
Nadiskubre rin sa pag-aaral ng OCTA Research na ang suporta na muling maging kasapi ang Pilipinas ng ICC ay nasa 59%, nagpapahiwatig na ang malaking bahagi ng populasyon ay pabor na muling makipag-ugnayan ang bansa sa pandaigdigang komunidad para matugunan ang mga pag-abuso sa karapatang pantao. Ang pinakamalaking suporta na maging miyembro tayong muli ng ICC ay nagmula sa Balance Luzon, na may 65%, habang sa Mindanao, na balwarte ni Duterte, mayroong 51% na sumusuporta.
Ang mga bilang na ito ay nagbibigay-diin sa katotohanang dumarami ang mga Pilipino na naniniwala na kailangang may managot at dapat matamo ang hustisya. Dahil dito, maaari nang tigilan ni Marcos ang mga nauna niyang pagtatangka na ipagkibit-balikat ang kahulugan ng mga survey results na ito, dahil maliwanag naman ang mensahe: hustisya giit ng mga Pilipino, at hindi sila titigil hanggang hindi ito naisasakatuparan — kahit pa pagbayaran mismo ni Duterte ang kanyang ginawa.
Sa lalong madaling panahon, ang resulta ng survey na ito ay mauuwi sa paggigiit na dapat may managot, at maging ang mga hinalal natin, na ngayon ay nagbubulag-bulagan sa malagim na nakalipas ni Duterte, ay mahuhusgahan ng publiko sa susunod na eleksiyon.
Absuwelto ang PDEA boys
Ilang araw makaraang punahin natin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa drug bust ng isang mag-uuling sa Solsona, Ilocos Norte, may twist na nangyari.
Ang pitong agents na nasibak sa puwesto habang iniimbestigahan ay balik-serbisyo na, at pinawalang-sala sa anumang maling nagawa nila, ayon sa rejoinder na ipinadala ni PDEA Director-General Moro Virgilio M. Lazo.
Gayunman, ang paglalantad ng kolum na ito ng reklamo at alegasyon ng sadyang paglalagay ng ebidensiya ay hindi matatapos sa internal investigation ng PDEA, na wala raw natuklasang iregularidad.
Kinasuhan si Jason Andres Dumlao, ang pangunahing tauhan sa kasong ito, dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga at nakasalalay na ngayon sa korte ang responsibilidad na isilbi ang tunay na hustisya. Hayaan nating malayang kumilos ang gulong ng katarungan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).