I-FLEX
ni Jun Nardo
USAP-USAPAN ngayon ang pagharap ni Kris Aquino sa kamera noong mismong kaarawan niya, February 14 para sa Fast Talk ng kaibigang Boy Abunda.
Maayos ang hitsura ni Kris pero halatang may sakit. Kay Boy niya ipinagkatiwala ang exclusive interview kahit nag-request din sa kanya si Jessica Soho.
Sa bahagi ng pahayag ni Kris, muli siyang sasailalim sa isang health procedure na maaaring maging delikado raw. Either magkaroon siya ng heart attack o hindi na magising.
“I refuse to die,” deklarasyon ni Kris na sa dasal kumakapit. Inihabilin na rin ni Kris kay Boy ang dalawang anak at magiging bahagi na rin siya ng kanyang hospital bills.
“Huwag kang iiyak, Boy,” bilin ni Kris sa kaibigang hindi siya iniwan mula noong aktibo pa siya sa showbiz hanggang may sakit.
Maraming bawal kay Kris pero ang ikinatutuwa niya, marami ring nagdarasal para malampasan ang mga sakit.