Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SABI ng DOLE, ‘di kaya ng mga employers na ibigay ang dagdag-sahod na P100 ng mga manggagawa dahil hindi pa sila nakababangon sa nagdaang pandemya at pagtaas ng lahat ng bilihin partikular ang krudo doon sa mga may negosyong may aangkatin at deliveries.
Parang hindi nga naaayon na pagbigyan agad-agad ang kahilingan ng mga mangagawa dahil nasa recovery period pa ang lahat ng negosyante.
Tumaas din ang mga bayarin sa business tax, maging sa mga real property tax. Sabi pa, kung ang gobyerno ay naghirap sa panahon ng pandemya, sila pang mga negosyante!
Ang pagkakasaid sa pondo ng mga lokal na pamahalaan noong panahon ng pandemya, ang taongbayan naman ang sinisingil.
Sa laki ng utang ng ating bansa, ang hirap makaahon sa ngayon, kaya hindi nakapagtataka na mas marami ang dumaranas ng hirap ngayon.
TAXI DRIVERS UMANGAL SA HINA NG KITA DAHIL SA ANGKAS RIDERS
Isyu rin ang hiling ng taxi drivers na ngayon ay dumaranas ng hirap sa kanilang kinikita.
Mas malakas kumita ngayon ‘yung mga Angkas rider dahil bukod sa mas nakatitipid sa pasahe ay madaling lumusot sa traffic jam at obra pa ang short cuts sa mga daan.
Suwerte na nga raw makauwi sa pamilya ng P500, dahil walang pasahero at mahal ang krudo.
Darating ang panahon na ang taxi drivers ay magiging Angkas motorcycle rider na rin.
Sabi nga, mura nga pero malapit naman sa disgrasya. Pero bingi ang taongbayan sa puwedeng madisgrasya dahil ang gusto nila ay makatipid lalo na ‘yung ayaw mahuli sa kanilang mga trabaho.