SWAK sa selda ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga droga nang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy- bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang naarestong suspek na si alyas Butchoy, 23 anyos na isang motorcycle mechanic na residente ng S. Bautista St., Brgy., Mapulang Lupa.
Sa kanyang ulat sa Northern Police District (NPD), sinabi ni Col. Destura na bago ang pagkakaaresto sa suspek ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano nito ng shabu sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.
Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Sanchez ang buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P9,500 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money na may kasamang mga boodle money mula sa pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa tapat ng kanyang bahay dakong alas-2:10 ng medaling araw.
Nakumpiska sa suspek ang aabot 50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00, bust money na isang 500 bill, kasama ang siyam na P1,000 boodle money, P2,300 recovered money, cellphone at coin purse.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office. (ROMMEL SALES)